‘Suwerte ako kay Inday Sara!’ – BBM

275 Views

ITINUTURING ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) standard-bearer Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na maswerte siya sapagkat pumayag si Inday Sara Duterte na maging running-mate niya ngayong 2022 national elections.

Sa kanyang pagbisita sa Malolos, Bulacan noong Lunes, sinabi ni Marcos na ang isang dahilan na lalong nagpapatatag ng kanilang tambalan ay ang pareho nilang pananaw at adhikain na gawing mas maunlad ang bansa at pagkaisahin ang bawat isang Pilipino.

“Ako ang pinakamapalad na presidential candidate sa aking palagay dahil ang nakasama ko bilang bise presidente ay si Mayor Sara Duterte, pinakamagaling, pinakamahusay at higit sa lahat ay may paninindigan sa kanyang mga pangarap at hangarin para sa ating bansang Pilipinas,” ani Marcos.

“Doon po kami nagkasundo kaagad noong aming pinag-usapan kung ano ba ang mga pangangailangan, ano ba ang mga dapat gawin, para tayong mga Pilipino ay makabangon na sa krisis na ating pinagdadaanan, ang krisis ng pandemya at ang krisis ng ekonomiya,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Marcos na pareho sila ni Inday sa paniniwala na malalagpasan ng Pilipinas ang lahat ng mga kinakaharap na pagsubok kung sama-sama at nagkakaisa ang mga mamamayang Pilipino.

Binigyang-diin niya na sadyang kailangan ng bansa na magkasamang nagtutulungan ang lider lalo’t higit ang pangulo at pangalawang pangulo upang magsilbing inspirasyon at makuha nila ang lubusang pakikiisa ng mga mamamayan.

“Tayo sa Pilipinas, lahat po ng pinagdaanan nating krisis tayo ay naka-ahon dahil tayo’y nagkaisa. Kailangan ngayon dito sa krisis na kinahaharap natin ay magkaisang muli dahil kahit sinong pinakamagaling magtatrabaho, pinakamasipag, pinakamahusay at pinakamabait, kung siya’s nag-iisa lamang, kaunti lang po ang magagawa niya,” paliwanag pa ni Marcos.

Ani Marcos, ang BBM-Sara UniTeam ay simbolo ng hangaring pagkakaisa at pagtutulungan ng bawat isang Pilipino.

“Kaya ang tambalang Duterte-Marcos ay isang napakahalagang simbolo dahil po kung ang isang taong galing sa pinakatuktok ng Pilipinas sa Norte at isang nanggagaling sa Davao sa Mindanao ay kayang magsama, magsanib-pwersa, sa palagay ko naman ang buong Pilipinas ay kaya naming mapagkaisa,” sabi pa niya.

“Ang panawagan ko sa ating mga kababayan ay simulan natin ang kilusan ng pagkakaisa ng sambayanang Pilipino. Kasama ako sa pagkakaisa, kasama ako sa pagbabago, kasama ako sa pagpapaunlad at pagpapaganda ng buhay ng bawat Pilipino,” dagdag pa ni Marcos.