Gonzales Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

SWS survey pinatibay suporta sa pro-PH Alyansa senatorial bets laban sa ‘Team China’ candidates

22 Views

PINATIBAY ng resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) ang suporta para sa mga kandidato sa pagkasenador ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas na pro-Philippines, laban sa mga kandidatong maka-China.

Ito ang sinabi ni Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ng Pampanga matapos lumabas ang survey kung saan walo sa bawat 10 Pilipino ang nagsabi na kanilang iboboto ang mga kandidatong ipagtatanggol ang karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS), sa gitna ng agresibong aktibidad ng China sa pinag-aagawang teritoryo.

“Ang survey ay nagpapatunay na solid ang suporta ng taong-bayan sa mga kandidato ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr. Sila ‘yung bumubuo ng Team Pilipinas,” ani Gonzales.

Dagdag pa niya, pinalalakas din ng naturang survey ang tyansa na manalo ang mga kandidato ng administrasyon laban sa binansagang Team China na mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Ipinunto ng lider ng Kamara mula Pampanga na sa paglulunsad ng kampanya ng Alyansa sa kanyang lalawigan sa Ilocos Norte noong Pebrero 11, malinaw na ipinaliwanag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagkakaiba ng kanyang mga kandidato sa mga nasa oposisyon.

“Wala sa kanila (Alyansa candidates) ang pumapalakpak sa Tsina at natutuwa pa kapag tayo ay binobomba ng tubig, tinatamaan ang ating mga Coast Guard, hinaharang ang ating mga mangingisda, ninanakaw ang kanilang huli, at bukod pa roon ay inaagaw pa ang mga isla natin para maging bahagi ng kanilang bansa,” ani Pangulong Marcos.

“Wala po sa kanila ang tila sakristan ng isang bulaang propeta na nasasakdal dahil sa pagyurak sa ating kabataan at sa ating kababaihan. Wala sa kanila ang tagataguyod ng pugad ng krimen, ng sentro ng paglalapastangan ng mga kababaihan na mga POGO,” saad pa ng Pangulo.

“Tayo ngayon ay nasa sangang-daan ng ating paglalakbay bilang isang malayang bansa, bilang isang sambayanang may dangal, may sipag, at may talino,” dagdag pa ng Pangulo.

Sabi pa ng Pangulo, “Tayo ba ay papayag na babalik sa panahon—kung kailan gusto ng ating mga liderato maging probinsya tayo ng Tsina? Babalik ba tayo sa nakaraan na ibinubugaw ang ating bayan bilang isang sugalan ng mga dayuhan?”

Ayon kay Gonzales, tumugon ang mga Pilipino sa mga tanong ng Pangulo sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanilang suporta sa kanyang mga kandidato at pagtanggi sa mga sumusuporta sa China sa usapin ng WPS, pati na rin sa mga iniuugnay kay dating Pangulong Duterte.

Dagdag pa niya, ang pinakabagong survey ay tumutugma sa mga naunang pagsisiyasat na nagpapakita na siyam sa bawat 10 Pilipino ang walang tiwala sa China.

“Kung hindi pinagkakatiwalaan ng ating mga kababayan ang mga Tsino, hindi rin nila pagkakatiwalaan ang mga tagapagtanggol ng China,” ayon kay Gonzales.

Ipinunto rin niya na kahit sa Mindanao, ang baluwarte ng mga Duterte, hindi prayoridad ng mga tao ang mga kandidatong maka-China.

Tanging 33 porsyento lamang ang may kagustuhang bumoto sa kanila, kumpara sa 78 porsyento ng mga Pilipinong mas nais ang mga kandidatong ipaglalaban ang karapatan ng bansa sa WPS.

Sa isinagawang SWS nationwide survey noong Pebrero 15-19, tinanong ang 1,800 respondents kung mas pipiliin nila ang isang kandidatong “naniniwala na dapat ipaglaban ng Pilipinas ang ating mga karapatan laban sa agresibong kilos ng China sa West Philippine Sea,” o isang kandidatong “hindi naniniwala” sa ganitong paninindigan.

Lumabas sa survey na 78 porsyento ng mga sumagot ang mas gusto ang isang kandidatong lalaban para sa bansa sa WPS, habang 22 porsyento ang mas gusto ang hindi.

Ang pinakamatataas na porsyento ng suporta para sa mga kandidatong ipaglalaban ang WPS ay naitala sa Metro Manila (87 porsyento), sinundan ng Balance of Luzon (83 porsyento) at Visayas (76 porsyento). Samantala, ang pinakamababang suporta ay sa Mindanao (67 porsyento).

Ang suporta para sa mga kandidatong hindi ipaglalaban ang WPS ay pinakamataas sa Mindanao (33 porsyento) at pinakamababa sa Metro Manila (13 porsyento).

Ang survey ay kinomisyon ng Stratbase Group.