Paolo

TELCO refund itinutulak

Mar Rodriguez Jun 15, 2023
222 Views

ITINUTULAK ng isang Mindanao congressman ang agarang pag-aapruba ng Kamara de Representantes sa panukalang batas na naglalayong obligahin ang mga public telecommunication companies na awtomatikong magbigay sila ng refund sa kanilang mga parokyano na nakakaranas ng palpak na serbisyo mula sa kanilang kompanya.

Sinabi ni Davao 1st Dist. Congressman Paolo Z. Duterte na kailangang maipasa at maisabatas ng Kongreso ang House Bill No. 8480 na naglalayong obligahin ang mga nasabing telecommunication companies na ibalik o i-refund nila ang bayad ng kanilang mga costumers na nakakaranas ng pahinto-hinto (intermittent) at patuloy na pagka-antala ng kanilang serbisyo sa loob ng 24 oras o sa isang buwan.

Ipinaliwanag din ni Duterte na tinitiyak ng kaniyang isinulong na panukalang batas na ang babayaran lamang aniya ng mga subscribers ay ang serbisyong napakinabangan nila mula sa mga telecommunication companies kasunod ng pag-oobliga din sa mga kompanyang ito na magbigay ng mabilis, maasahan at uniterrupted o hindi naaantalang internet connection.

“While the telecommunications industry has continued to flourish in the country. Internet connection and reliability of service remains a persistent problem along with exorbitant cost paid by consumers for internet service,” ayon kay Duterte.

Binigyang diin pa ng kongresista na ang Pilipinas ay may pinaka-mahal na “fixed broadband service” sa buong Asya na nagre-resulta naman para mailagay ang bansa sa pinaka-mababang ranking ng 2022 Digital Quality of Life Index (DQLI) na isinagawa naman ng Cybersecurity firm na Surfshark.

Inaatasan ng House Bill No. 8480 ang public telecommunication entities (PTEs) kabilang na ang internet service providers (ISPs) na magtatag ng isang mekanimismo na awtomatikong magbibigay ng refund sa kanilang mga costumers.

“The measure, which aims to benefit both postpaid and prepaid subscribers aims to amend Republic Act No. 7925 or the Public Telecommunications Policy Act enacted 28 years ago,” sabi pa ni Duterte.

Sinabi naman ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation, na kailangang paghusayin ng mga telecommunications company ang kanilang serbisyo sapagkat hindi lang naman ang mga may-kaya sa buhay ang kanilang mga costumers. Bagkos, kasama na dito ang mahihirap na mamamayan na gumagamit ng internet sa pamamagitan ng prepaid Sim Cards.

Ayon kay Romero, mas naaapektuhan umano ng palpak na serbisyo ng mga nasabing kompanya ay ang masang Pilipino dahil ang ipinambibili nila ng load para kargahan ang kanilang mobile data ay pinaghirapan nila ng husto.

Ikinatuwiran ni Romero na karamihan sa mga gumagamit ng mobile data ay ang mga mahihirap na mamamayan kaya dapat lamang na mas paghusayin pa ng mga telecommunication companies ang kanilang serbisyo.