Calendar

Tingog Party-list ipinagdiwang ang International Women’s Day, isinulong women empowerment
MAHIGIT 300 kababaihan mula sa Tacloban City ang nagtipon sa RTR Plaza para sa #YEDDANCE Zumba, isang International Women’s Day event na inorganisa ng Tingog Party-list para isulong ang kalusugan, empowerment at pagkakapantay-pantay ng kasarian sa bansa.
Nagkasama sa event ang mga kababaihan mula sa lahat ng antas ng pamumuhay—mula sa mga senior citizen hanggang sa mga lider ng komunidad at maging ang mga buntis na nais magkaroon ng dagdag na kaalaman kaugnay ng kalusugan ng kababaihan.
Tampok sa pagdiriwang ang Zumba session, health talks ukol sa kalusugan ng mga kababaihan at pagtalakay sa mga hamong kinakaharap ng mga babae.
Bukod sa pisikal na mga aktibidad, binigyang-diin din ang kahalagahan ng grassroots initiatives at mga polisiya para mai-angat at maprotektahan ang mga kababaihan, gayundin ang importansya ng pangmatagalang tugon sa pagsulong ng gender equality.
Sa kabila ng progreso, maraming mga Pilipina pa rin ang may kinakaharap na hamon sa seguridad at ekonomiya, proteksyon sa lugar ng paggawa at kaligtasan mula sa karahasan.
Bilang tugon, isinulong ng Tingog Party-list ang mga panukala para sa karapatan ng mga kababaihan.
Kabilang ang 105-Day Expanded Maternity Leave Law (Republic Act o RA 11210) na nagbibigay sa mga nagtatrabahong ina ng mas mahabang panahon sa pag-aalaga sa kanilang mga bagong silang.
Ang Safe Spaces Act (RA 11313) naman ay nagpapatibay ng mga proteksyon laban sa harassment sa publiko, digital at propesyonal na mga espasyo, habang ang Expanded Solo Parents’ Welfare Act (RA 11861) ay nagtitiyak ng karagdagang suporta para sa mga solong ina at kanilang mga pamilya.
Patuloy ding itinutulak ng Tingog ang iba pang lehislasyon para mapalawak ang oportunidad ng mga kababaihan.
Isa rito ang House Bill (HB) No. 5740 na layong pataasin ang recruitment quota para sa mga kababaihan sa law enforcement, para magkaroon ng oportunidad ang mga female officers sa Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at Bureau of Jail Management and Penology.
Ang National Sex Offender Registry (HB 2714) ay layong palakasin ang kaligtasan sa komunidad sa pamamagitan ng pagbabantay sa mga repeat offenders ng sexual violence.
Samantala, ang Infant-Friendly Facilities Act (HB 1950) ay magmamandato sa pagkakaroon ng child-friendly spaces sa mga pampubliko at pribadong establisimyento bilang suporta sa mga nanay na nagtatrabaho.
“Women’s strength has always driven progress, but barriers to gender equality remain. From workplace discrimination to safety concerns, the fight is far from over,” sabi ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.
“Through legislation and community action, we must continue advocating for policies that uplift and protect women, guided by the leadership of Rep. Yedda Romualdez, who has long been at the forefront of this cause,” dagdag pa nito.
Binigyang diin ni Rep. Yedda Romualdez ang kahalagahan na isulong ang pagkakapantay sa kasarian na nangangailangan ng reporma sa polisiya at suporta mula sa lahat ng antas sa lipunan.
“Every woman carries within her the power to transform lives—through her work, her sacrifices, and her unwavering spirit. This Women’s Month, we must continue building a society where every Filipina is free to pursue her dreams, secure in her rights, and supported in her aspirations,” ani Rep. Romualdez.
“The fight for gender equality is not just about policies—it is about ensuring that every woman, in every role she plays, is seen, heard, and empowered,” dagdag pa niya.
Habang ipinagdiriwang ng bansa ang Buwan ng Kababaihan, itinatampok ng tagumpay ng #YEDDANCE Zumba ang epekto ng mga inisyatiba ng komunidad para isulong ang pagkakapantay-pantay ng kasarian.
Habang ang mga pagdiriwang ay nagbibigay ng pagkakataon na kilalanin ang progreso, nagsisilbi rin itong paalala na marami pa ang kailangan gawin para matiyak ang isang lipunang ganap na nagbibigay ng proteksyon at nagpapatatag sa estado ng mga babae sa lipunan.