Calendar

Tol kumpiyansa PBBM lalagdaan Magna Carta for bgy health workers
KUMPIYANSA si Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino na lalagdaan din ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Magna Carta for Barangay Health Workers na naipasa ng Senado nitong Pebrero 3, 2025 bago magsara ang Kongreso.
Inihalimbawa ni Tolentino ang paglagda nito lang nakaraang Miyerkules ng Pangulong Marcos ng batas na nagpapaliban sa parliamentary election ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Mayo 12 para ganapin ito sa Oktubre 13.
Sa panayam kay Tolentino matapos ang kanyang pagtatalumpati sa Liga ng Barangay Camarines Sur Chapter Provincial Congress na idinaos Lunes ng umaga sa Heritage Hotel Manila sa Pasay City, sinabi niya na isa siya sa nagsulong ng naturang batas na magkakaloob ng pare-parehong allowance sa lahat ng mga barangay health workers sa buong bansa.
Hindi aniya magiging problema ng barangay ang ilalaang budget sa allowance ng kanilang mga barangay health workers dahil huhugutin ang pondo nito mula sa Department of Health (DOH).
Sa kanya namang talumpati sa harap ng mga opisyal ng barangay ng Camarines Sur, hinimok niya ang mga ito na maging matatag sa pagtupad sa sinumpaan nilang tungkulin lalu’t mapapalawig ang kanilang termino sa ilalim ng panukalang batas na nakapasa na sa ikalawang pagbasa sa Kongreso.
“You will have an extended term, matatapos po yung termino ng mga local officials, me mga babalik, ganun din sa mga national officials, but just be firm in adhereing to your oath of office. Maliwanag naman po yung panunumpa nyo sa katungkulan, na sana ay bahagi ng inyong mga diplomang nakalagay sa inyong barangay hall,” pahayag ng Senador.