Trillanes

Trillanes kinontra hirit ni Bato na i-deport ICC probers: Kriminal lang ang idini-deport

125 Views

KINONTRA ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV ang panawagan ni Sen. Bato dela Rosa na ipa-deport ang mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) kung pupunta ang mga ito sa bansa.

“Kasi dito ang dinedeport mo lang ‘yung mga kriminal, mga fugitives. Yung mga ganyang hirit kasi ni Sen. Bato, hindi lang parang lumalabas na talagang ignorante siya sa mga batas ng ating bayan kundi ito ‘yung mga posturang pa-macho na takot,” ani Trillanes, na kabilang sa mga unang naghain ng reklamo sa ICC laban sa war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.

Si Dela Rosa ay kasama ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity na isinampa kaugnay ng libu-libong nasawi sa war on drugs.

Naniniwala si Trillanes na bagamat sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hindi ito makikipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC, hindi rin nito haharangin ang isasagawang imbestigasyon.

“Ang sinabi din ng gobyerno, specifically ni President Marcos, in the same way na hindi sila magco-cooperate, hindi rin sila mag-eengage na. So they won’t lift a finger,” sabi ni Trillanes.

“Kasi bakit naman gagawin ng Marcos administration yung gusto ni Senator Bato? Anong basis? They don’t have any basis,” dagdag pa nito.

Naniniwala si Trillanes na dumating na ang mga imbestigador ng ICC sa Pilipinas at natapos na ang imbestigasyon nito. Nagsimula umanong mangalap ng ebidensya ang mga ICC prober noon pang Pebrero 2023.

Ipinaliwanag ni Trillanes na bagamat hindi na saklaw ng ICC ang mga nangyari pagkatapos kumalas dito ng Pilipinas, maaari naman silang magsagawa ng imbestigasyon sa mga pangyayari noong ang bansa ay miyembro pa.

“Maliwanag na wala silang jurisdiction doon sa panahon nitong incumbent na administration, specifically mula 2019 noong March up to the present, wala nang jurisdiction ‘yung ICC. Pero, base doon sa Supreme Court ruling, meron silang jurisdiction from November 2011 up to March 2019,” dagdag pa ni Trillanes.