Tsino

Tsino arestado sa pananakot, panunutok ng boga sa kababayan

Edd Reyes Oct 17, 2024
13 Views

TINUTUKAN umano ng baril at tinakot na papatayin ng 32-anyos na Chinese national ang kanyang kababayan matapos magtatalo sa loob ng kanilang sasakyan noong Miyerkules sa Paranaque City.

Base sa report, sakay ng puting Ford Explorer na minamaneho ng 27-anyos na si alyas Mark ang suspek na si alyas Liu at biktimang si alyas Fang, 24, nang magkaroon ng argumento ang dalawa dakong alas-8:10 ng gabi.

Bumunot ng baril si alyas Liu at itinutok kay alyas Fang na dahilan upang ihinto ni Mark ang sasakyan sa tapat ng isang hotel sa Brgy. Don Galo at humingi ng tulong sa mga nakatambay na kalalakihan.

Sa tulong ng mga kalalakihan, nadis-armahan nina Mark at Fang ang suspek hanggang dumating ang mga tauhan ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Paranaque Police Station na nagkataong nagpa-follow-up sa hawak nilang kaso kaya’t sila na ang umaresto sa suspek.

Isang kalibre 9mm pistol na may limang bala sa nakalagay na magazine ang nakumpiska sa suspek kaya’t mga kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at paglabag sa umiiral na gun ban ang isasampa laban sa kanya ng pulisya sa Paranaque City Prosecutor’s Office.