Calendar
Tulfo ‘pinagalitan’ BI, PSA
Sa kabiguang kasuhan mga namemeke ng mga dokumento
KINUWESTYON ni Sen. Raffy Tulfo ang Bureau of Immigration (BI) sa kabiguan nitong kasuhan ang mga empleyado ng civil registrar’s office at Philippine Statistics Authority (PSA) na kasabwat ng mga banyagang namemeke ng Philippine documents gaya ng mga pasaporte at birth certificate.
Sentro ito ng pahayag ni Tulfo, chairperson ng Senate Committee on Public Services, sa pagdinig ng Senado noong Aug. 27 ukol sa pagtakas ni Bamban Mayor Alice Guo at mga kamag-anak nito.
Dumalo sa hearing and kapatid ni Alice na si Sheila Guo.
Binigyang-diin ni Tulfo na bukod sa mga miyembro ng pamilya Guo, sandamakmak pa rin ang mga nahaharang na banyaga, partikular na ang illegal Chinese immigrants, dahil sa talamak na paggamit ng mga ito ng pekeng dokumento.
Ipinunto rin ni Tulfo na sa mga nakaraang pagdinig napatunayang nameke ng mga dokumento sina Alice, Sheila at Wesley Guo para magkunwaring Filipino citizens sila.
Noong 2023, 17 Chinese nationals din ang nasakote ng BI na gumamit ng Philippine passports papasok at palabas ng bansa.
“Maliwanag ngayon na may klarong banta sa ating pambansang seguridad. Ilan pang Alice Guo ang mayroon sa ating bansa na humahawak ng mga sensitibo at mahahalagang posisyon sa pribado o pampublikong sektor?” tanong ng senador.
Inatasan ni Tulfo ang BI na ipagpatuloy lang ang paghuli at siguraduhin na may isinasagawang imbestigasyon para makasuhan agad ang mga indibidwal na kasabwat ng mga ito lalo na sa loob ng PSA at local civil registrar’s offices.