BBM Sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Nueva Ecija Vice Gov. Emmanuel Antonio Umali noong dumalaw ang una sa lalawigan para ipagdiwang ang ika-67th birthday.

Umali ipinagbunyi si PBBM

Steve A. Gosuico Sep 15, 2024
123 Views

PALAYAN CITY–Pinuri ni Nueva Ecija Vice Gov. Emmanuel Antonio Umali si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang 67th birthday kasabay ng pamamahagi sa 6,000 Novo Ecijanos ng birthday gift sa pamamagitan ng Department of Agrarian Reform’s Certificates of Condonation with Release of Mortgage (CocRoM) na nagkakahalaga ng P277 million.

“Karangalan po namin na dito sa aming lalawigan ang napili ng mahal na Pangulo na magdiwang ng kanyang kaarawan at sa halip na siya bigyan natin ng regalo siya pa ang nagdadala ng pagpapala para sa ating kababayang magsasaka,” sabi ng bise gobernador sa Nueva Ecija Coliseum sa Brgy. Singalat noong Biyernes.

Sinabi ni Umali na malinaw na pagpapakita na tunay na mahal ng Pangulo ang mga Novo Ecijano.

“Tunay na hindi nasayang ang mahigit 700,000 abante ng ating Pangulong Bongbong Marcos noong nakaraang eleksyon. Talagang mahal na mahal ng ating Pangulo ang ating lalawigan,” dagdag ni Umali.

Ang Pangulo, na sinamahan nina Ilocos Norte First District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos at Joseph Simon A. Marcos at DAR Secretary Conrado M. Estrella III–mainit na tinanggap nila Umali, Mayor Viandrei Nicole “Vianne” J. Cuevas, Rep. Ria Vergara at iba pang mga alkalde ng lalawigan sa kanyang pagdalaw.

Sa kanyang talumpati, ipinakilala ni Marcos Jr. ang kanyang dalawang anak na nagsabing hinimok niya ang mga ito na sumama sa kanya para makita mismo ang tunay na kalagayan ng mga Pilipinong magsasaka.

“Sabi ko magpakita kayo, sumama kayo sa akin at makita ninyo kung ano talaga ang hinaharap ng ating magsasaka o ang ating mga agrarian reform beneficiaries para alam ninyo kung ano talaga ang pangangailangan nila sa iba’t-ibang lugar,” pahayag ng Pangulo.

Inilarawan din ni Umali na ang pagbisita ni Pangulong Marcos sa lalawigan bilang “Araw ng Pagdiriwang” at “Kalayaan mula sa Pagkakautang” para sa may 6,000 benepisyaryo ng DAR sa ilalim ng Republic Act 11953 na naipasa ng administrasyong Marcos.

“Ito ay isang malaking tulong upang mapagaan ang mga pinansyal na pasanin ng ating mga magsasaka, ang kanilang kalayaan mula sa pagkakautang isang hakbang patungo sa mas maunlad na kinabukasan para sa kanilang pamilya,” sabi ng vice governor.