Lacson

Umento sa sahod ng nurses guro dadahan-dahanin

535 Views

KAISA si Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson sa mga nagsusulong para itaas na ang suweldo ng mga pampublikong guro at nurse, kaya hinihiling niya sa mga Pilipino na mabigyan siya ng pagkakataon na mamuno bilang pangulo para maiayos ang pamamahala sa pambansang budget.

Ayon kay Lacson, kayang i-adjust ang sahod ng mga guro at nurse kung patas at walang katiwalian sa pamamahagi ng pondo ng bayan. Napag-usapan ang isyung ito sa pagbisita ni Lacson at kanyang running mate na si Senate President Tito Sotto sa Lungsod ng Pasig nitong Miyerkules.

Isang ina ang humiling na sana’y maipantay na sa ibang kawani ng gobyerno ang suweldo ng mga nurse sa pampublikong ospital para hindi na maisip ng mga frontliner tulad ng kanyang anak na magtrabaho sa ibang bansa.

“Kaya pong gawin pero hindi mabibigla. Pero ang masasabi lang namin dahil pagkalaki-laki nga ng ating national budget na hindi nagagamit, pwede pong ma-implement ‘yan. Doable po ‘yan na ‘yung sweldo ng mga nurse at sweldo ng mga teacher maipapantay sa sweldo ng pulis, ng military, at saka…lahat ng mga nasa uniformed services pati ‘yung Philippine Coast Guard,” sabi ni Lacson.

Para patunayan na kaya niyang matupad ang pangakong ito, inilahad ni Lacson na siya ang gumawa ng paraan para makapaglaan ng P3-bilyong pondo na kinakailangan para madagdagan ang suweldo ng mga bagong government nurse patungo sa salary grade 15 na umabot sa P35,000.

“Kasi natiyempo nag-bu-budget deliberation kami noon. Ako po ‘yung nakahanap ng P3-billion para agad-agad maimplementa ‘yung dagdag na sweldo ng mga nurse. Kasi ako ang mahilig magbusisi sa national budget. Lagi akong nag-i-scrutinize, tinitingnan ko ‘yung mga pwedeng ilipat sa ahensya tulad nito kaya agad na-implement ‘yon,” aniya.

Nauunawaan ni Lacson ang hinaing ng ina na inilatag ang nasabing isyu sa ginanap na public forum. Ayon sa presidential candidate, napapanahon na para maibigay sa mga nurse, doktor, at maging sa mga guro ang dagdag na benepisyo, lalo pa’t malaki rin ang kanilang sakripisyo ngayong pandemya.

Sinabi pa ng chairman ng Partido Reporma na ito ang dahilan para ilagay nila ni Sotto ang probisyon para sa special risk allowance ng mga nurse, healthcare worker, at iba pang medical frontliner sa ‘Bayanihan to Heal as One Act’ na ipinasa ng ika-18 Kongreso noong Marso 2020 sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

“So, lahat ng paraan ginagawa natin para kung hindi man maipasok sa sweldo, sa mga allowances man lang o mga risk allowance, hazard pay may dagdag kaya umabot po ng P35,000… So, kaya po ‘yan basta’t masinop lang tayo sa pagpapasa o kaya pag-i-implementa ng ating national budget,” sabi ni Lacson.