Valeriano

Valeriano pinayuhan si PBBM na maging maingat sa pakikipag-usap sa mga taong may kinakaharap na kaso

Mar Rodriguez Jan 4, 2024
126 Views

BAGAMA’T hindi direktang nakikisalamuha si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. kay Pastor Apollo C. Quiboloy. Gayunman, pinayuhan ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang Pangulo na maging maingat sa pakikipag-usap sa kontrobersiyal na TV Evangelist.

Ang pahayag ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ay kasunod lamang ng hamon ng political science professor na si Prof. Arjan P. Aguirre ng Ateneo de Manila University para kay Pangulong Marcos, Jr. na huwag matakot at dumistansiya kay Quiboloy.

Nauna rito, hinihimok ni Atty. Sonny Matula, Pangulo ng Federation of Free Workers (FFW), si President Marcos, Jr. na panatilihin ang pag-distansiya kay Quiboloy upang hindi mapulaan ang kaniyang administrasyon na pino-protektahan nito ang kontroberosyal na religious leader.

Ipinaliwanag ni Valeriano na hindi naman tahasang dumidikit ang Pangulo kay Quiboloy sapagkat masyado umanong abala o busy ang Punong Ehekutibo para ito ay malapitan at kausapin. Suablit mainam na rin aniya ang dumistansiya si Marcos, Jr. sa mga taong may kinakaharap na kaso.

Sinabi ng kongresista na hindi lamang si Quiboloy ang dapat iwasan ng Pangulong Marcos, Jr., bagkos maging iba pang mga tao na may kinakaharap na mabigat na kaso para huwag mapulaan ang kaniyang administrasyon na kinakanlong o kaya naman ay pino-protektahan niya ang mga ito.

Sinasang-ayunan din ni Valeriano ang opinion o saloobin ni Professor Aguirre kabilang na ang abogadong si Michael Henry Yusingco na kailangang maging maingat ng administrasyong Marcos, Jr. sa pakikipag-ugnayan nito kay Quiboloy na nahaharap sa mga kaso.

“Hindi naman talaga tahasang dumidikit ang Pangulo kay Pastor Quiboloy. Masyado lamang busy ang Pangulo para siya ay lapitan o kaya naman ay para kausapin.
Subalit mainam na rin na maging maingat si Pangulong Marcos, Jr. sa pakikisalamuha sa kahit sinomang tao,” ayon kay Valeriano.

Samantala, sa pagpasok ng taong 2024. Hinihiling at ipinapanalangin naman ni Valeriano ang pagpasok ng isang masaganang taon para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaroon ng katahimikan ng puso’t isipan, saganang pagkain sa bawat pamilya at malakas na relasyon ng bawat pamilya.

“I pray for abundant blessings, peaceful mind, food in every meal and strong family relationships for the coming new year. Let’s welcome the entrance of the 2024 with our family in abundance and joy,” mensahe ni Valeriano.