Calendar
Valeriano pinuri Marcos dahil sa bumabang bilang ng walang trabaho
PINAPURIHAN ng chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. dahil sa pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o ang bumabang “poverty incidence” ng bansa.
Ipinaliwanag ni Valeriano na ang pagbaba sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa ay isang maliwanag na indikasyon na sinisikap ng administrasyong Marcos, Jr. na mapabuti ang kalagayan ng bawat mamamayan partikular na ang mga mahihirap at walang trabahong mga Pilipino.
Binigyang diin ni Valeriano na maituturing na magandang kombinasyon o mayroong teamwork sa pagitan ng Pangulo, economic managers at Kamara de Representantes para maipatupad ng gobyernong Marcos, Jr. ang mga economic policy na magpapa-angat sa kabuhayan ng mga Pilipino.
Sinabi ng kongresista na ang pamumuhunan ng mga dayuhang kompanya dito sa Pilipinas ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit bumaba ang poverty incidence ng bansa at maituturing na pagbubukas ng bagong oportunidad para sa mga Pilipinong walang trabaho o unemployed.
Muli naman ipinahayag ng kongresista na unti-unti ng nagbubunga ang mga ipinunla ni Pangulong Marcos, Jr. para umunlad ang kabuhayan ng mga Pilipino dahil sa pagbaba sa bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa.
Ayon sa kaniya, isang napaka-gandang balita para sa mga Pilipino ngayong 2024 ang pagbaba ng “poverty incidence” na ang ibig sabihin ay nagbubunga na ang mga pagsisikap ng Pangulong Marcos, Jr.
Ipinahayag ni Valeriano na bagama’t tahimik at payak lamang ang mga isinasagawang programa ng administrasyong Marcos, Jr. para maibsan ang matinding kahirapan sa bansa. Subalit nakikita nito na hindi nagpapabaya ang gobyerno para tulungan ang mga mahihirap na mamamayan.