Valeriano

Valeriano: Tularan si Fortun

Mar Rodriguez Aug 30, 2023
197 Views

HINAHAMON ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang mga abogado sa bansa na tularan si Atty. Raymund Fortun na mayroong malasakit para sa mga biktima ng pang-aabuso at pang-aagrabyado.

Ang pinag-ugatan ng pahayag ni Valeriano ay kaugnay sa kontrobersiyang kinasangkutan ni retired Police Officer 1 (PO1) Willie Gonzales matapos itong mag-viral sa social media dahil sa ginawa nitong pang-duduro, pang-babatok at pangha-haras sa isang siklista na bagama’t hindi na pinangalanan.

Bunsod nito, nagbigay ng pahayag si Atty. Fortun na hindi pa patay ang hustisya sa bansa patungkol sa insidente. Sapagkat sa kabila ng umano’y pag-aayos o pagkakasundo nina Gonzales at ng siklista sa pamamagitan ng “amicable settlement” ay isasampa na rin niya ang kaso laban sa dating pulis.

Dahil dito, pinapurihan ni Valeriano si Fortun na nagsabing dalangin nito na dumami pa sana ang mga tulad niya na mayroong malasakit sa mga taong inaagrabyado at pinagmamalupitan ng mga taong nasa kapangyarihan na tulad ng nangyari sa kaso nina Gonzales at ang pobreng siklista.

Binigyang diin pa ni Valeriano na kailangan ng wakasan ang kultura ng “kabaro” sa hanay ng Philippine National Police (PNP) kung saan pinagtatakpan ng isang pulis ang kaniyang kabaro para lamang matakasan nito ang asuntong kaniyang kinakaharap gaya ng nangyari umano sa kaso ni Gonzales.

Sinabi pa ng kongresista na ipinakita ni Fortun ang kaniyang paninindigan at prinsipyo para maipagtanggol ang mga inaapi tulad ng siklista laban sa mga nang-aabuso na kagaya naman ng ipinakita ni Gonzales para papanagutin sa batas sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso laban dito.

“When one person takes up the cudgels in order for aggressors to be punished within our limited human strength. As Atty. Fortun will surely have to sacrifice safety and devote his expertise of law to attain what is supreme, he performs God’s will. Let us indeed pray for the man who seeks divine strength,” sabi ni Valeriano.