Calendar
Vargas: Sara impeachment fake news
SINUSUPORTAHAN ni House Assistant Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Cong. Partrick Michael “PM” D. Vargas ang pahayag na isa lamang “fake news” ang kumakalat na “alingasngas” na may ikinakasang “impeachment case” laban kay Vice-President Inday Sara Duterte.
Naninindigan si Vargas na walang katotohanan at isa lamang maling impormasyon ang mga kumakalat na “chismis” patungkol sa sinasabing planong pagpapatalsik kay Duterte sa pamamagitan ng iuumang o ihahaing impeachment case laban dito na pasisimulan sa Kamara de Representantes.
Binigyang diin ni Vargas na sinoman ang nagpapakalat o nagsisimula ng intriga laban sa Pangalawang Pangulo ay tiyak na hindi makakabuti para sa bansa sapagkat ang maaapektuhan na naman nito ay ang mga ordinaryong mamamayan na palaging naiipit sa pagitan ng nag-uumpugang bato.
Ipinaliwanag ng kongresista na sa tuwing magkakaroon ng intriga sa politika sa pamamagitan ng bangayan ng iba’t-ibang political personalities. Ang laging naiipit sa gitna o nadadamay sa tinatawag na “cross fire” ay ang mga ordinaryong mamamayan na walang inaasahan kundi ang kanilang simpleng kabuhayan.
Dahil dito, umaapela si Vargas sa sinomang nagpapasimula ng ingtriga o lumilikha ng panibagong kaguluhan sa politika sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga “chismis” laban kay VP Inday Sara Duterte na tigilan na nito ang pagpapakalat ng “fake news” at isa-alang alang ang kapakanan ng taongbayan.
Ayon kay Vargas, sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga intriga laban kay Duterte. Ang dehado aniya sa ganitong labanan ay ang mga ordinaryong mamamayan hindi lamang ang Pangalawang Pangulo. Sapagkat ang mga ordinaryong Pilipino ang siyang nagluklok sa kanila sa puwesto.
Sinabi pa ng mambabatas na sa halip na magpakalat ng mga maling impormasyon o “fake news” ang sinomang personalidad na nasa likod ng nasabing intriga. Ang kailangan umano nilang isa-alang alang ay ang damdamin ng mga Pilipino na lubos na nagtitiwala sa mga halal na opisyal ng pamahalaan.
“Ano lamang ang mararamdaman ng ating mga mamamayan dahil sa ganitong panibagong kaguluhan sa ating politika? Huwag natin antayin na tuluyan na silang mawalan ng tiwala sa mga hinalal nila sa puwesto. Kaya sana ay tigilan na ang pagpapakalat ng mga ganitong fake news,” apela ni Vargas.