Sara

‘VP Sara kailangang may makausap’

101 Views

Tinawag ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel na “strange” o kakaiba ang kamakailang press conference ni Vice President Sara Duterte, kung saan ipinahayag niya ang kanyang pagkabahala sa mga pahayag nito, partikular na ang mga sensitibong isyung may kaugnayan sa pamilya Marcos.

“It’s unusual. Akala ko noong una ay AI. Sa panahon ngayon, hindi ka basta pwedeng magtiwala at maniwala. Until I realized na siya ang nagsasalita sa press conference. I find it strange dahil hindi ito dapat sinasabi sa mga press con,” ani Pimentel, na inilahad ang kanyang unang hindi makapaniwalang reaksyon sa narinig na mga pahayag ni Duterte.

Ipinahayag din ni Pimentel ang kanyang personal na pag-aalala para sa kalagayan ni VP Sara Duterte.

“Actually, nag-worry ako kay VP Sara. Kailangan may makausap siyang mas marunong sa bagay na ito—kahit sabihin na lang natin na pamilya niya o kaibigan. She needs to share it. She needs some sessions. Hindi usual yang mga sinasabi niya. Yung na-verbalize niya,” dagdag pa ni Pimentel.

Sa nasabing press conference, nagpahayag si VP Sara Duterte ng mga komento na tumutuligsa sa kanyang mga kalabang politiko at nagbigay ng pahiwatig na maaaring maglabas siya ng sensitibong impormasyon tungkol sa pamilya Marcos. Isa sa mga kontrobersyal na pahayag ay ang kanyang mungkahi na hukayin ang mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na nagpasiklab ng patuloy na tensyon sa pagitan nina Duterte at ng administrasyong Marcos.

“Part lang ang napanood ko—yung something to do with the ulo. Tapos yung huhukayin niya at itatapon niya sa WPS. Nagulat lang talaga ako. Pina-check ko agad dahil akala ko nga ay AI. Kasi hindi nilalabas yung ganun sa press conference,” pahayag ni Pimentel.

Sa huli, binanggit din ni Pimentel ang isyu ng pananagutan ng gobyerno, partikular na sa mga tanong ukol sa paggasta ng pamahalaan. Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng transparency at ang kahalagahan ng pagsagot ng mga opisyal sa mga tanong kaugnay ng kanilang pagganap sa tungkulin, kabilang na ang panunungkulan ni Vice President Duterte bilang kalihim ng Department of Education. “Sa mga tanong ukol sa paggasta ng pera ng gobyerno, dapat masagot ng mga opisyal ang mga tanong na ito,” pagtatapos ni Pimentel.