Gatchalian

Win: Katarungan nakamit rin sa wakas para kay Darwin Dormitorio

189 Views

IPINAGBUNYI ni Senador Sherwin Win Gatchalian ang desiyon ng Baguio City Regional Trial Court (RTC) Branch 5 sa pagpaslang noong 2019 kay 4th class cadet Darwin Dormitorio, kung saan tatlong kadete ng Philippine Military Academy (PMA) ang hinatulang guilty ng murder at paglabag sa anti-hazing law.

“Matapos ang ilang taon, nakamit din sa wakas ang katarungan para kay Darwin Dormitorio. Mahalagang tagumpay ito sa ating labang masugpo ang hazing, ngunit marami pa tayong dapat gawin upang mabura ang kultura ng karahasan, lalo na sa mga institusyong tulad ng PMA kung saan hinuhubog ang mga susunod na tagapagtanggol ng ating bansa,” ani Gatchalian, isa sa mga may akda ng Anti-Hazing Act of 2018 (Republic Act No. 11053).

Bagama’t tagumpay na maituturing ang naging hatol ng korte, binigyang diin ni Gatchalian na dapat ipagpatuloy ng PMA at ng mga paaralan sa bansa ang pagsugpo sa hazing.

“Patuloy nating hinihimok ang PMA, ang ating mga paaralan, at ang ating mga komunidad na palakasin pa ang pagsugpo sa hazing. Hindi na natin dapat pahintulutan pa na may kababayan tayong muling mamatay dahil sa ganitong anyo ng karahasan,” dagdag ni Gatchalian.

Hinatulan ng reclusion perpetua ang tatlong dating kadeteng sangkot sa pagkamatay ni Dormitorio. Guilty sa salang murder ang dating kadeteng sina Shalimar Imperial Jr. at Felix Lumbag Jr., samantalang guilty naman ang dating kadeteng si Julius Carlos Tadena sa paglabag sa anti-hazing law.

Ipinagbabawal ng anti-hazing law ang lahat ng anyo ng hazing sa mga fraternity, sorority, at mga organisasyon sa loob at labas ng mga paaralan. Nakasaad din sa batas na dapat maging mas aktibo ang mga paaralan sa pagprotekta sa mga mag-aaral mula sa panganib na dulot ng hazing.

Para sa mga nais maging kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP), hindi ituturing na hazing ang pisikal, mental, at psychological testing at training procedures at practices kung aprubado sila ng Secretary of National Defense at National Police Commission batay sa rekomendasyon ng AFP Chief of Staff at ng Director General ng Philippine National Police.