Vote Source: Fb post

‘Yes’ vote saghati ng Bgy Bagong Silang sa anim wagi sa plebisito

Edd Reyes Sep 1, 2024
70 Views

MAHAHATI sa anim ang Barangay Bagong Silang sa Caloocan City sa pagwawagi ng ‘yes’ kumpara sa ‘no’ votes sa ginanap na plebisito sa paghahati-hati ng barangay.

Ang Bagong Silang ang pinakamalaking barangay sa buong Pilipinas sa dami ng populasyon.

Umabot sa 22,854 ‘yes’ votes, o 89.84% ng voters’ turnout, kumpara sa 2,584 na ‘no’ vote, o 10.16% turnout, sa idinaos na plebisito.

Niratipikahan ang batas sa ilalim ng RA 11993 na maghahati sa anim ang Barangay 176 Bagong Silang na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong Abril 5, 2024.

Dahil sa pagsang-ayon ng nakararami sa naturang batas, magiging anim na ang Barangay 176 na tatawaging Barangay 176-A, Barangay 176-B, Barangay 176-C, Barangay 176-D, Barangay 176-E at Barangay 176-F.

Bawat barangay pamumunuan ng barangay chairperson, pitong kagawad, isang Sangguniang Kabataan (SK) Chairperson at pitong SK kagawad na itatalaga ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan at magsisilbi sa kanilang nasasakupan hangga’t hindi naihahalal ang mga mananalong opisyal sa barangay election.

Nagpaabot ng pasasalamat si Caloocan District 1 Congressman Oca Malapitan sa suporta at pagtitiwala ng mga residente sa kanyang inakdang batas na layuning maibigay sa mabilis na pamamaraan ang mga pangangailangan at serbisyo sa mga residente.