Isko

Yorme excited sa repair ng Lambingan bridge

Edd Reyes Sep 10, 2025
314 Views

INIHAYAG ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang kanyang buong suporta sa nalalapit na pagkukumpuni ng Lambingan Bridge sa ilalim ng Metro Manila Priority Bridges Seismic Improvement Project (MMPBSIP).

Sa kanyang pakikipagpulong sa Department of Public Works and Highways (DPWH) Bridges Management Cluster–UPMO, tiniyak ng alkalde ang pag-apruba ng lungsod sa proyektong mahalaga para sa kaligtasan at kapakanan ng publiko.

Gayunman, mahigpit ang tagubilin ni Yorme Isko sa DPWH na paalalahanan ang kanilang contractor na magbayad ng kanilang obligasyon sa lungsod sa ilalim ng Tax Code na maliit lang aniya ang halaga.

“You cannot get away with the tax code, not even the president and me. That’s for the contractor, not the government,” paliwanag niya.

Binanggit pa ni Yorme Isko na sa loob ng tatlong taon, maraming mga proyekto sa ungsod ang hindi nakipag-ugnayan man lang sa lokal na ahensiya.

“I’m just happy that nowadays, things are being put into right perspective. In return, we are being supportive to the development. Gusto namin ayusin, para ligtas ang tao,” sabi ng alkalde.

Ginarantiyahan din niya na makakatanggap ng opisyal na resibo ang contractor sa pagbabayad ng buwis at tiniyak sa DPWH na lahat ng kinakailangang permiso, LIAC (Local Inter-Agency Committee), koordinasyon at pamamahala sa trapiko sa panahon ng paggawa ay kanilang ipagkakaloob.

Ayon sa DPWH, inaasahang matatapos ang pagkukumpuni ng Lambingan Bridge sa loob ng tatlong taon o 34 na buwan kaya’t inaasahan ng alkalde na magsisilbing malaking hamon ito sa mga residente ng Punta, Sta Ana at karatig lugar na kalaunan naman ay para sa kanilang kaligtasan.

“We have to pay the price, tayong mga mamamayan ngayon na mahihirapan tayo sa kalsada, pero ang ating mga anak, later on, makikinabang,” paliwanag ng alkalde.