Calendar

Yorme ipinabaklas posters sa bawal na lugar
SINAGOT ni Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang show cause order (SCO) ng Commission on Election (Comelec) laban sa kanya kaugnay sa paglalagay ng mga campaign materials sa hindi tamang lugar.
Ayon kay Domagoso iniutos niya sa kanyang mga taga-suporta ang pagbabaklas sa mga campaign posters sa welcome arch sa Legarda St., Brgy. 410, Zone 12 sa Sampaloc matapos matanggap ang SCO ng Comelec.
Noong Abril 14 pa inilabas ng Special Task Force-Baklas 2025 ng Comelec ang kautusan na may kaugnayan sa RA 9006 o Fair Election Act matapos matanggap ng komisyon ang reklamo sa ilegal na paglalagay ng mga campaign materials ng kampo ni Domagoso sa hindi tamang lugar.
Sa naturang kautusan, inaatasan si Domagoso na magpaliwanag sa loob ng limang araw kung bakit hindi siya dapat ma-diskuwalipika sa halalan at iniutos din ang agarang pagbabaklas sa mga ilegal na campaign materials sa nabanggit na lugar.
Nauna ng sinabi ni Domagoso na noon pa niya pinakiusapan ang kanyang mga taga-suporta sa sumunod sa mga alituntunin kaugnay sa paglalagay ng mga campaign materials sa hindi tamang lugar tulad ng mga poste ng ilaw at kuryente, mga puno, kawad ng kuryente at saan mang pampublikong lugar.
Nagtataka naman ang mga taga-suporta ng dating alkalde kung bakit hindi napupuna ng itinatag na “Oplan Baklas” ng pinagsanib na puwersa ng Comelec, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Philippine National Police (PNP) ang napakarami pa ring poster ng mga kandidato na nakasabit noon pa man sa mga poste ng ilaw, kuryente at ilang pampublikong lugar.