Romero1

1-PACMAN Party List ayaw ng Juan Tamad sa gobyerno

Mar Rodriguez Jun 13, 2023
149 Views

NAIS ng 1-PACMAN Party List Group sa Kamara de Representantes na matiyak na totoong nagta-trabaho at sineseryoso ng lahat ng mga empleyado ng gobyerno ang kanilang responsibilidad o tungkulin at hindi lamang sila pawardi-wardi o papetik-petik sa kani-kanilang mga trabaho.

Upang maiwaksi ang tinatawag na “Juan Tamad” sa hanay ng mga kawani ng pamahalaan kabilang na ang mga opisyal nito, isinulong ni 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., ang House Bill No. 804 para amiyendahan ang Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Sinabi ni Romero na layunin ng House Bill No. 804 na magkaroon ng mas mabigat na penalties o parusa at sanctions laban sa mga empleyado at opisyal ng gobyerno na parelax-relax lamang sa kanilang trabaho upang tiyakin na totoong ginagampanan ng mga ito ang kanilang responsibilidad.

Ipinaliwanag ni Romero na nais lamang niyang maisulong ang tinatawag na “accountability” para sa mamamayang Pilipino para maipakita sa taumbayan na ginagampanan ng mga empleyado at opisyales ng pamahalaan ang kanilang responsibilidad para sa interes ng publiko.

Binigyang diin pa ng kongresista na kailangang isantabi ng lahat ng empleyado at opisyales ng gobyerno ang kanilang pansariling interes sa halip ay mas dapat nilang unahin ang kapakanan at interes ng publiko.

“This Bill seeks to promote accountability to the people and see to it that all public officials and employees discharge their duties with utmost responsibility, integrity, competence, loyalty and above all uphold public interest over personal interest,” paliwanag ni Romero.

Sa ilalim ng panukalang batas ni Romero, mahaharap sa penalty ang isang empleyado at opisyal ng mapahalaan at pagkakakulong ng isang taon sakaling mapatunayan na hindi nito ginawa ang kanilang tungkulin o responsibilidad sa halip ay nagpa-petik petik lamang sila sa kanilang trabaho.