Calendar
1 pinaglalamayan, 1 sagutan sa rambolan dahil sa droga sa Caloocan
ISA ang patay habang sugatan ang isa sa mga suspek sa naganap na rambulan na hinihinalang nag-ugat sa abutan ng ilegal na droga Huwebes ng madaling araw sa Caloocan City.
Hindi na umabot ng buhay sa Caloocan City Medical Center si alyas Jhonny, residente ng Samson Road, Brgy. 73, sanhi ng mga tama ng saksak sa katawan habang naka-confine din sa naturang pagamutan ang suspek na si alyas Jay-jay, 32, ng PNR Compound, bunga ng isang tama ng saksak sa kaliwang tagiliran.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, dakong alas-3:17 ng madaling araw nang makita ng babaing testigo ang pag-aabot ng sachet ng shabu ni alyas Jay-jay sa dalawang hindi niya kilalang lalaki.
Ilang saglit lang ay dumating pa ang dalawa na kapuwa nakasuot ng itim na jacket at tiningnan siya ng masama habang may dinudukot na bagay sa bulsa kaya’t sinigawan sila ng isa pang suspek na si alyas Daga, 34, na naging hudyat ng rambulan.
Una umanong nasaksak ng nasawi si alyas Jay-jay hanggang sa pagtulungan na siyang bugbugin at saksakin ng mga suspek na sina alyas Ryan, 26, alyas Daga at alyas Randy. kaya’t tumakas na ang dalawa pang kasama ng biktima.
Tinutugis na ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang tatlong suspek habang mahigpit na binabantayan ang sugatang suspek na nakaratay sa pagamutan.
