Sekyu

Sikyu nanghataw, nanuntok ng baril sa Pasay City, hinuli

Edd Reyes Sep 17, 2026
115 Views

KALABOSO ang 43-anyos na security guard nang hatawin ng baril ang lalaking nakaalitan habang sinuntok at tinutukan din ng baril ang isa pang umawat lang sa kanyang pagwawala sa Pasay City.

Sa tinanggap na ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek na si alyas “Michael” at biktimang si alyas “Anthony”, 35, sa loob ng kanilang barracks sa Barangay 183 noong Miyerkules ng dakong alas-9:00 ng gabi.

Sa gitna ng kanilang argumento, bumunot ng baril si alyas Michael at hinataw sa ulo ang kaalitan habang tinangka namang umawat ng isa pang biktimang si alyas “Monsur” 24, subalit sinuntok at tinutukan siya ng baril ng suspek.

Nagawa namang makipambuno ni alyas Monsour hanggang maagaw niya ang baril sa suspek at itinapon ito bago siya lumabas ng barracks para humingi ng tulong sa pulisya.

Dakong alas-5:40 Huwebes ng umaga nang tuluyang madakip ng pulisya ang suspek at nakumpiska sa kanya ang lisensiyadong kalibre .45 na may 14 bala sa magazine..

Mahaharap sa kasong Grave Threats, Physical Injuries at paglabag sa Section 31 ng R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act ang sekyu bunga ng kawalan ng Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) ng kanyang armas.