Elevator Pilit na binubuksan ang elevator ng mga takot na takot na kawani ng Bureau of Customs matapos silang ma-trap ng 20 minuto sa loob ng elevator ng Plaza Hotel.

11 opisyal ng BoC na-trap sa loob ng hotel elevator

Christian Supnad Aug 25, 2024
141 Views

BALANGA CITY, Bataan–Labing-isang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) ang naghain ng reklamo laban sa Plaza Hotel sa siyudad na ito nang ma-trap sa loob ng elevator na umano’y nagresulta sa psychological at physical trauma sa kanila.

Sa kanyang sulat kay Mayor Francis Garcia, sinabi ni Annuar B. Datudacula, Deputy District Collector for Operations ng Port of Limay, Bataan, na naghain sila ng reklamo upang hindi maranasan ng iba ang nakakatakot na karanasan sa Plaza Hotel.

Nag check in sa nasabing hotel noong Agosto 18 sina Datudacula kasama ang 10 iba pang BoC personnel galing sa BoC central office, Iligan City at Cagayan de Oro City.

Habang papaba sila mula 3rd floor sakay ng elevator biglang tumigil ito at nagdilim ang paligid. Inabot sila ng 20 minuto sa loob ng elevator. “The circumstances surrounding the incident raise serious concerns about the safety and preparedness of the hotel,” ani Datudacula.

“Noong una, medyo nagkakatawanan pa kami sa mga bisita namin, pero nung matagal-tagal at wala man lang tumulong sa ‘min at sumasagot sa paghingi namin ng saklolo natakot na kami.

Takot na takot ang mga bisita naming mga babae dahil umabot pa ng mga 20 minutes bago namin sapilitang nabuksan ang pintuan ng elevator,” sabi ni Datudacula.

“Adding to our alarm was the fact that there was no certificate of inspection or certificate of operation issued by a building official displayed inside the elevator,” sabi pa ni Datudacula.

Sinabi niya na sa kabila ng paulit-ulit na pagtawag nila sa hotel personnel sa emergency system, walang response ang mga hotel staff.

Minaliit lang ni Joel Guinucud, director for special projects ng Plaza Hotel, ang reklamo ng mga BoC officials. Itinuro at sinisi ng opisyal ang Peninsula Electric Cooperative (PENELCO) dahil daw sa “unstable supply of electricity” nito.

“It is a mechanical trouble and the insufficiency of electric supply from PENELCO has caused it; their complaint is not a big deal,” ani Guinucud.

Humingi ng apology ang opisyal sa insidente at sinabing “they are doing their best for the interest of the guests.”

Sinabi ni Guinucud na noon lang daw nangyari sa Plaza Hotel ang karanasang iyon.

Pero isang empleyado ang nagsabi na pati siya na-trap na rin sa loob ng elevator ng hotel.