Calendar

12 taon na kulong naghihintay sa mga online scammers, fixers ng lisensya:
BINALAAN ni Transportation Secretary Vince Dizon nitong Huwebes ang mga online scammer at fixer ng lisensiya na sisimulan na ng pamahalaan ang mas pinaigting na pagtugis sa kanila upang matigil ang panloloko sa publiko at ang banta nito sa kaligtasan sa kalsada.
Ito ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO), at iba pang kaugnay na ahensya na ayusin ang sistema para masiguro ang kaligtasan sa lansangan.
“Lahat ng magpo-post ng online scam huhulihin natin at ipapakulong natin. 12 years po kayong makukulong at kung hindi kayo natatakot dun, sige hintayin n’yo na lang na makulong kayo,” ayon kay Secretary Dizon sa isang press presentation ng naarestong suspek ngayong Huwebes.
Naaresto ng LTO at Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang mga online scammer na nagbebenta ng pekeng driver’s license at ID para sa person with disability (PWD).
Binigyang-diin ni Secretary Dizon na ang pagbebenta ng pekeng lisensiya sa mga hindi kwalipikadong driver ay maaaring magresulta sa mga malalagim na aksidente sa kalsada.
Dagdag pa niya, bukod sa mga online fixer, sinuspinde na rin ng LTO ang 107 driving schools na sangkot sa pag-iisyu ng ‘no show’ certificate at hindi pagsunod sa tamang pagsasanay para sa theoretical driver’s education.
“Kaya kami nandito ngayon para ipakita sa lahat, lalong lalo na sa mga kagaya niya (scammer) na nang-aabuso sa ating mga kababayan, na hindi nila alam ‘yung ginagawanila ay potentially makakamatay ng mga kababayan natin sa kalye.” ani Secretary Dizon.