Chiz Senate President Francis “Chiz” Escudero.

12% VAT sa digital transactions karagdagang P80B kia sa gobyerno — Chiz

134 Views

KARAGDAGANG P80 bilyon kita sa gobyerno ang pagpataw ng 12 porsyentong value-added tax (VAT) sa mga digital transactions at magpapataas din ng kompetisyon sa pagitan ng lokal at foreign digital service providers (DSPs), ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero.

Ang VAT sa digital transactions nakatakdang lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Setyembre 30 at inaasahang masasakop ang mga kita na nawawala dahil sa kalabuan ng mga umiiral na batas ukol sa pagbubuwis ng mga e-commerce na transaksyon.

“Lahat ng negosyo, malaki man o maliit, nagbabayad ng buwis. Hindi naman yata makatarungan na ang mga higanteng negosyante na hindi naka-base sa Pilipinas pero kumikita ng malaki sa pagbenta ng kanilang mga serbisyo sa mga Pilipino hindi sakop ng parehas na buwis.

Pinapantay lang nitong bagong batas ang obligasyon sa pagbayad ng buwis sa lahat ng kumikita dito sa bansa,” ani Escudero.

Sinabi ni Escudero na ang pagpataw ng VAT sa mga digital na transaksyon maaaring makaipon ng kita sa pagitan ng P80 bilyon hanggang P145 bilyon para sa 2025 hanggang 2028, depende sa pagsunod ng mga subject taxpayers.

Ang bagong panukala nag-aamyenda ng ilang mga probisyon ng National Internal Revenue Code (NIRC) of 1997 upang gawing mas pantay ang pangongolekta ng buwis at mas angkop sa mga pagbabago sa ekonomiya dulot ng mabilis na pag-usbong ng teknolohiya.

Ang mga digital na serbisyo bahagi ng saklaw ng batas sa buwis ng Pilipinas, at maging ang mga non-resident DSPs na walang pisikal na presensya sa bansa ngunit nagbibigay ng serbisyo sa loob ng Pilipinas at ang kanilang mga serbisyo kinokonsumo dito sakop na ng batas.

“It cannot be denied that the use and consumption of digital products and services within the Philippines has grown exponentially over the past decade and such economic activity from the use of new technology has become more prevalent.

The amendments to the NIRC are merely an updating of the law to make it more attuned to present times,” ani Escudero.

Ang Seksyon 108-A ng NIRC nag-uutos na patawan ng VAT ang mga digital na serbisyong kinokonsumo sa Pilipinas maging resident man o non-resident DSP.

Digital service ang anumang serbisyong ipinagkakaloob sa pamamagitan ng internet o iba pang electronic network gamit ang information technology.

Kasama rito ang mga online search engines, online marketplace o e-marketplace, cloud service, online media at advertising, online platform o digital goods.

Ibig sabihin, ang mga sikat na streaming services tulad ng Netflix at Disney+, at mga online shopping sites tulad ng Shein, Temu at Amazon kailangang magbayad na rin ng VAT para sa kanilang mga digital services na kinokonsumo sa Pilipinas.

“The challenge now is on the law’s implementation. BIR must see to it that the process will be easy and that there is no confusion on the part of the affected taxpayers in order to ensure full compliance,” ani Escudero.