Calendar
Inaresto ng mga operatiba ng MPD Station 3 ang suspek matapos maispatan ito sa kahabaan ng Vertex One, kanto ng MJC Drive at F. Huertas St., Sta. Cruz, Maynila.
14-anyos sinimulang gahasain ng ama noong 4-na-taong gulang pa lang
ARESTADO ng mga operatiba ng MPD Station 3 ang isang 54- anyos na ama dahil sa umano’y panggagahasa sa kanyang 14-anyos na anak mula nang apat na taong gulang pa lamang ang biktima.
Ang suspek ay naispataan 3:30 p.m. noong Martes sa Vertex One, kanto ng MJC Drive at F. Huertas St., Sta. Cruz, Maynila.
Nakilala ang suspek na si alyas Arnel, 54,helper, at kasalukuyang naninirahan sa P. Urduja St., Novaliches Proper, Quezon City.
Base sa pahayag ng tumatayong guardian na pinsan ng biktima at pamangkin ng suspek, taong 2016 nang umpisahan umanong gahasahin ng suspek ang kanyang noo’y apat na taong gulang pa lang na anak nito,
Nasundan pa ito ng dalawang taong nakalipas.
Ayon sa nasabing guardian, ngayong taon niya lang nalaman ang mga pangyayari matapos magsumbong ang panganay na kapatid ng biktima.
“Sa tuwing nalalasing po yan at naiisip niyang gahasahin ang biktima, pumapasok po yan sa kuwarto at doon niya ginagawa ang kanyang kahayupan. Naririnig po namin ang pag-iyak ng bata dahil kulob po ito,” ayon sa kapatid ng biktima.
Ayon sa biktima na ngayon ay 14-taong gulang na, una na siyang nagsumbong sa kanyang lola ukol sa umano’y panggagahasa sa kanya ng ama.
Sinabihan umano ang biktima na huwag nang magsumbong sa iba.
Agad inaresto ng mga tauhan ng Warrant-Intel ng MPD PS-3 ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na ilabas laban sa nasabing ama para sa kasong gahasa.
Ang warrant of arrest ay inisyu ni Caloocan City Regional Trial Court Branch 124 Judge Glenda Cabello Marin.
Walang inirekomendan piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.
Ayon pa sa dagdag na impormasyon ng pulisya, ang suspek ay kabilang sa Top Ten Most Wanted Persons sa Station Level dahil sa krimeng rape.

