Traslacion1 PNA file photo

15K pulis sisiguruhin ligtas milyong debotong sasama sa Traslacion

Alfred Dalizon Jan 3, 2026
247 Views

PARA sa seguridad ng Traslacion 2026 na gaganapin sa darating na Enero 9, humigit-kumulang na 15,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang imomobilisa.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Major General Anthony A. Aberin, nakikipag-ugnayan na sila sa mga opisyal ng Quiapo Church upang mas plantsado ang paghahanda para sa pinakamalaking taunang relihiyosong kaganapan sa bansa, na inaasahang dadaluhan ng milyun-milyong deboto ng Itim na Nazareno.

Noong Traslacion 2025, mahigit 12,000 pulis, kasama ang Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Philippine Drug Enforcement Agency, iba pang force multipliers at pamahalaang lungsod ng Maynila, ang nagbigay ng seguridad upang matiyak ang mapayapang prusisyon ng Itim na Nazareno.

Pinamahalaan ng pulisya, katuwang ang Armed Forces, ang napakalaking bilang ng tao, kontrol sa trapiko, at pagbabantay laban sa banta gaya ng terorismo, stampede at cybercrime. Ipinagbawal ang paggamit ng backpack at pagdadala ng matutulis na bagay at iba pang deadly weapons sa paligid ng lugar ng prusisyon, at hiniling ang buong kooperasyon ng publiko para sa kaligtasan ng lahat.

Ngayong taon, tulad ng mga nakaraang Traslacion, hinihikayat ang mga deboto na sumunod sa mga patakaran, makipagtulungan para sa seguridad, at iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang maging ligtas at makahulugan ang pagdiriwang sa kabila ng inaasahang dagsa ng tao.

Ayon sa tagapagsalita ng Manila Police District, si Major Philip Ines, humigit-kumulang 15,000 pulis ang ide-deploy para sa seguridad ng kaganapan sa susunod na linggo.

Dagdag niya, magpapadala rin ng karagdagang tauhan ang pamahalaang lungsod ng Maynila upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa gitna ng malaking bilang ng deboto na dagdagsa sa prusisyon.

Sinabi ni Ines na magbubukas ng alternatibong ruta dahil isasara ang ilang kalsada para bigyang-daan ang prusisyon. Aniya pa, wala pa umanong nakikitang seryosong banta sa kaganapan.

Mga gabay ng Quiapo Church para sa First Sunday Mass

Naglabas naman ng patnubay ang Quiapo Church para sa mga debotong dadalo sa First Sunday Mass ng 2026 sa Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazareno sa Manila sa Enero 4.

Ayon sa social media post ng minor basilica, may tatlong pasukan sa simbahan:

• Mula Plaza Lacson patungong Carlos Palanca Street: Dumaan sa Villalobos Street patungong Plaza Miranda at simbahan.

• Kung manggagaling sa kanluran at hilaga: Dumaan sa Rizal Avenue patungong Carriedo Street hanggang Plaza San Juan Bautista.

• Mula hilaga o España Boulevard: Dumaan sa Quezon Boulevard patungong Quinta Market, pumasok sa Villalobos Street hanggang Plaza Miranda at simbahan.

Pinaalalahanan ang mga motorista na magiging mabigat ang trapiko, lalo na sa harap ng simbahan sa Quezon Boulevard (southbound), dahil may nakatakdang mga misa mula alas-5 ng umaga hanggang alas-12:15 ng tanghali, at alas-3 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

Sinabi rin ng simbahan na tulad ng nakagawian, tampok sa kapistahan ng Itim na Nazareno sa Enero 9 ang Traslacion o prusisyon mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church. May ulat ng Philippine News Agency