Calendar

16K bagong guro ipinagbunyi na solusyon sa education crisis
IKINATUWA ni Sen. Joel Villanueva ang desisyon ng pamahalaan na magbukas ng 16,000 bagong posisyon para sa mga guro sa mga pampublikong paaralan ngayong 2025.
Ayon sa kanya, isa itong mahalagang hakbangin upang matugunan ang matagal nang krisis sa edukasyon sa bansa.
Pinuri ni Villanueva ang Department of Budget and Management (DBM) sa pag-apruba sa pagpapalawak ng hanay ng mga guro sa ilalim ng Department of Education (DepEd).
“Ensuring an adequate number of educators is essential in addressing the learning crisis, especially in light of recent findings that 18 million Filipinos are functionally illiterate,” aniya.
Bilang komisyoner ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), ipinunto ng senador na nananatiling malaking hamon ang kakulangan sa tauhan sa sektor ng edukasyon na isa sa bawat 10 posisyon nananatiling bakante.
Binigyang-diin niya na kailangang punuan ang mga puwang upang hindi maantala ang paghahatid ng serbisyo sa mga mag-aaral.
Hindi lamang guro sa klasrum ang kinakailangan, ayon kay Villanueva. Ipinunto rin niya ang kakulangan sa mga espesyal na edukador, guidance counselors at mga kawani sa administrasyon—mga tungkuling mahalaga upang maging mas inklusibo at epektibo ang sistema ng edukasyon.
Inilahad ni Villanueva ang kahalagahan ng patuloy na pamumuhunan sa pagsasanay at propesyonal na pag-unlad ng mga guro.
Binanggit niya ang Republic Act No. 11713, o Excellence in Teacher Education Act, na naglalayong palakasin ang Teacher Education Council, palawakin ang mga programang pang-iskolar at itaguyod ang tuluy-tuloy na kaunlarang propesyonal ng mga guro.