Director Mauricio “Morrie” Pulhin Director Mauricio “Morrie” Pulhin

Speaker Romualdez kinondena pagpaslang sa opisyal ng Kamara

556 Views

IPINAHAYAG ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Lunes ang matinding dalamhati at galit sa pagpatay kay Director Mauricio “Morrie” Pulhin, Chief of Technical Staff ng House committee on ways and means, na tinawag niyang isang malupit at walang saysay na karahasan na hindi dapat palampasin.

Si Pulhin, isang kagalang-galang na lingkod-bayan sa Mababang Kapulungan, ay pinaslang nitong nakaraang weekend sa isang insidente na ikinasindak ng buong komunidad ng Kongreso at muling nagbukas ng pangamba sa kaligtasan ng mga kawani ng pamahalaan.

“Ako ay lubos na nalulungkot at galit sa malagim na pagkamatay ni Director Mauricio ‘Morrie’ Pulhin,” ayon kay Speaker Romualdez.

“Hindi dapat ito manatiling walang sagot. Dapat manaig ang hustisya,” giit ng pinuno ng 306 na kinatawan ng Kamara.

Inilarawan ni Speaker Romualdez si Pulhin bilang “isang matagal nang naglilingkod at tapat na lingkod-bayan.”

“Ang kanyang propesyonalismo, integridad, at tahimik ngunit buong-pusong pagtupad sa tungkulin ay nagbigay sa kanya ng respeto ng kanyang mga kasamahan at nakatataas. Mariin naming kinokondena ang karumal-dumal na krimeng ito,” dagdag pa niya.

Nanawagan ang lider ng Kamara sa Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang mga awtoridad na masusing imbestigahan ang insidente.

“Bagama’t maaga pa upang matukoy ang motibo sa likod ng karumal-dumal na krimeng ito, nananawagan tayo sa PNP, NBI, at iba pang ahensya ng batas na magsagawa ng isang masusi, patas, at mabilis na imbestigasyon,” pahayag ni Speaker Romualdez.

“Lahat ng anggulo ay dapat tingnan—kasama na ang mga may kaugnayan sa kanyang trabaho—upang lumabas ang katotohanan at makamit ang hustisya,” diin pa niya.

Ipinahatid din ni Speaker Romualdez ang taos-pusong pakikiramay at buong-suportang pakikiisa sa pamilya ni Pulhin.

“Gagawin namin ang lahat ng aming makakaya upang ang mga nasa likod ng krimeng ito—maging ang mga pumaslang o ang utak ng krimen—ay mapanagot sa batas,” kanyang paniniguro.

Nanawagan din ang Speaker sa mga kasapi ng House Secretariat at sa kabuuang miyembro ng Kongreso na magkaisa at manatiling mapagmatyag sa gitna ng trahedya.

“Sa mga lalaki at babaeng bumubuo ng House Secretariat at ng ating mas malawak na kongresyonal na pamilya: kaisa ninyo kami sa dalamhati at galit,” ayon kay Speaker Romualdez.

“Gamitin natin ito bilang panawagan para sa pagbabantay, pagkakaisa, at matatag na paghahangad ng hustisya—hindi lamang para kay Director Pulhin, kundi para sa bawat Pilipinong nabibiktima ng walang saysay na karahasan,” pagtatapos ni Speaker Romualdez.