Calendar
Pag-inhibit ng senator-jude di automatiko, dapat boluntaryo
IGINIIT ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na mananatiling patas ang Senado bilang impeachment court sa nalalapit na paglilitis kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, sa kabila ng mga panawagan na mag-inhibit ang ilang senador dahil sa umano’y bias ng ilan sa mga ito.
Binigyang-linaw niya na ang mga desisyon ukol sa inhibition ay dapat nakabatay sa sariling pagpapasya ng bawat senador at sa umiiral na legal na proseso.
“Ngayon ang korte walang pinapanigan at walang dapat panigan.Dapat pantay,” aniya.
Tinukoy ni Escudero na ang inhibition o pagliban ng isang senador mula sa paghawak ng kaso ay hindi awtomatiko at hindi rin maaaring iutos dahil lamang sa opinyon ng publiko.
“It is voluntary on the part of the impeachment court judge at hindi yan pwedeng ipilit sa sinuman,” paliwanag niya.
Bilang halimbawa, inilahad niya ang nangyari sa impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012, kung saan hiniling ng depensa na mag-inhibit si Senador Franklin Drilon.
Ayon kay Escudero, ang naturang usapin ay dinesisyunan sa pamamagitan ng pormal na mosyon, na iginagalang ang kalayaang magpasya ng mambabatas. “No impeachment court judge was forced to inhibit,” kanyang iginiit.
Binigyang-diin niyang tanging ang prosekusyon o depensa lamang ang may karapatang maghain ng pormal na mosyon ukol sa inhibition, at tanging sa ganitong paraan lamang ito dapat dinirinig.
“Opisyal lang yan na didinggin ng impeachment court kapag hinihiling yan ng defense o prosecution panel,” aniya.
Tinuligsa rin ni Escudero ang mga panawagan sa social media at media interviews na naglalayong magdikta kung sino ang dapat umatras sa paglilitis.
“Paano naman ikoconsideran ng korte kung saka-sakali nagpost o nagpa-interview naman? Kailangan dumaan ito sa proseso…”giit ni Escudero.
Dagdag pa niya, hindi dapat pili lamang ang kinukuwestiyon. “It always cuts both ways. Bakit tila isang panig lang kayo nakatutok?” aniya, tumutukoy sa mga alegasyong bias laban sa mga senador na nakikitang malapit kay Duterte.
Sa gitna ng mga ulat na may ilang senador na namataan kasama si VP Duterte sa publiko, iginiit niyang hindi sapat ang ganitong batayan upang agad na sabihing hindi sila patas. “That is referred to the sound judgment and decision of the impeachment court judges,” aniya.
Panghuli, ipinaliwanag ni Escudero na ang impeachment ay hindi isang kasong kriminal kundi isang prosesong pampulitika na nakalaan sa mga halal na kinatawan ng taumbayan.
“Ang may malawak na papel kaugnay ng impeachment… ang kapalit lang nito ay pagkakatanggal sa pwesto,” paliwanag niya, na nagsisilbing paalala na ang layunin ng impeachment ay pananagutan, hindi pagpaparusa.

