Suspek Iniharap ng NBI mga suspek sa mga mamamahayag matapos maaresto ang mga ito sa isinagawang entrapment operation sa Batangas at Marindoque. JONJON C. REYES

2 estafa, illegal recruitment suspek laglag sa NBI entrapment operation

Jon-jon Reyes Mar 4, 2025
12 Views

SuspekINARESTO ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Cavido North District Office (CAVIDO North), sa ilalim ng pangangasiwa ni NBI Director Judge Jaime B. Santiago, ang dalawang indibidwal dahil sa illegal recruitment at estafa sa Batangas at Marinduque.

Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng pitong indibidwal laban kina alyas Girish at Glenmore.

Base sa sinumpaang salaysay, sinabi ng isa sa mga biktima na nakatanggap siya ng tawag mula sa isang suspek na nagpakilala nagre-recruit ng mga skilled worker para sa Austria na may P100,000 buwanang sweldo.

Ang biktima ay nagbayad sa suspek ng P166,600 para umano sa medical, processing fee, working visa, travel insurance, placement fee, at plane tickets.

Sinabi ng suspek sa biktima na ang employer sa Austria ay tumanggi na mag-isyu ng work permit.

Sa halip ang biktima ay i-dedeploy sa Croatia bilang factory assistant.

Ang complainant, kasama ang iba pang mga aplikante ay nanatili sa bahay ng suspek sa Nueva Estancia Subdivision, Gen. Trias Cavite. Doon, nakilala nila ang isa pang suspek na nagpakilala bilang kinatawan ng isang foreign recruitment agency at responsable sa paghahanap ng mga employer para sa mga Pilipinong recruit.

Kinuha ng pangalawang suspek ang pasaporte ng lahat ng mga aplikante para umano sa kanilang visa application at Overseas Employment Certificate (OEC).

Matapos ang mahigit isang taong paghihintay, humingi ng tulong ang mga biktima sa Department of Migrant Workers (DMW). Sa pamamagitan ng mga sertipikasyon ng DMW, nalaman nila na ang mga suspek ay hindi lisensyado o pinahintulutan ng DMW na mag-recruit ng mga manggagawa para sa trabaho sa ibang bansa. Ang mga suspek ay walang rekord ng trabaho mga sinabi nilang kompanya.

Dahil dito nagsagawa ng entrapment operation ang CAVIDO North Agents nitong Pebrero 27, 2025, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Ang mga suspek ay iniharap para sa inquest proceedings para sa paglabag sa Section 5 ng R.A. 8042 na sinususugan ng R.A. 10022 o mas kilala bilang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995, at para sa estafa sa ilalim ng Artikulo 315 paragraph 2(a) ng Binagong Kodigo Penal.