CGM

2 kawani ng Munti tumanggap ng saging imbes na tiketan naka-illegal parking, lagot

Edd Reyes Jul 6, 2026
52 Views

PINATAWAN ng kaukulang parusa ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon ang dalawang kawani ng pamahalaang lungsod na nahagip sa kuha ng CCTV na tumatanggap ng isang bungkos na saging sa driver ng delivery truck sa Alabang Viaduct.

Pinatawag ng alkalde ang dalawang kawani na nakatalaga sa Muntinlupa Traffic Management Bureau (MTMB) at Public Order and Safety Office (POSO) nitong Miyerkules ng umaga, pati na rin ang tauhan ng trucking na sangkot sa pagbibigay ng saging sa dalawang kawani upang magpaliwanag sa nag-viral na video.

Sinabi ng alkalde na mahigpit na ipinagbabawal ang pagparada ng mga sasakyan sa Alabang Viaduct dahil lumilikha ito ng pagsisikip ng daloy ng trapiko kaya’t nairita siya sa napanood na sa halip na tiketan ang driver ng nakaparadang delivery truck ay tinanggap pa ang ibinigay na saging na natira matapos ang kanilang delivery.

Sinabihan din ni Mayor Biazon ang driver ng delivery truck na huwag magbibigay ng kahit ano sa mga tauhan na nagpapatupad ng patakaran at batas trapiko at huwag din nilang gawing delivery bay ang viaduct kung hindi nila nais matiketan o ma-impound ang sasakyan.