Calendar
2 kelot pinaulanan ng magkahiwalay sa QC, patay
PINAGBABARIL hanggang sa mamatay ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na lugar sa Quezon City.
SA report ng Criminal Investigation and Detetion Unit ng Quezon City Police Distrit (CIDU-QCPD), ang mga biktima ay nakilalalang sina alyas “Pagaling”, 31, nakatira sa Daang Tubo, Brgy Loyola Heights, at “Nimo”, 24, residente ng Garland Subdivision Barangay Batasan Hills, Quezon City, at kapwa walang trabaho.
Batay sa imbestigasyon ni PSSg Erwin Jay Mendez, alas 9:20 ng umaga nitong Biyernes, binaril at napatay si Pagaling sa harap ng kaniyang kapitbahay ng suspek na si alyas Milla, 53, na nakatakas.
Isinugod pa sa Quirino Memorial Medical Center subalit idineklara siyang dead on arrival bandang 10:43 ng umaga ni Dr. Phoebe Jean Vivas.
Bandang 6:30 ng gabi rin ng Biyernes, binaril at napatay din ang biktimang si Nimo sa eskinita sa Pepita St., Talanay Area B, Barangay Batasan Hills, ng dalawang ‘di pa nakikilalang lalaki na magka-angkas sa motorsiklo.
Sa imbestigasyon ni P/SSg Dizon Gorgonia ng Batasan Police Station (PS-6), nakatayong mag-isa sa eskinita si Nimo nang biglang dumating ang mga suspek na sakay ng motorsiklo.
Bumaba ang isa sa mga suspek at malapitang pinaputukan si Nimo na nagawa pang makatakbo pero bumagsak din ito pagsapit sa session road.
Tumakas ang mga suspek habang isinugod sa Rosario Maclang Bautista General Hospital ang biktima subalit binawian din ito ng buhay nitong Sabado (September 6), bandang 9:56 ng umaga, ayon kay Dr. Benson Manda.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring mga pamamaril.

