Calendar

2 pulis nasagip batang babaeng nakulong sa loob ng oto sa Laoag
PINAPURIHAN ang mabilis na pagresponde ng dalawang pulis mula sa Ilocos Norte upang masagip sa tiyak na kapamahakan ang isang 2-taong-gulang na batang babae na na-trap sa loob ng kanilang sasakyan sa gitna ng init ng araw noon Lunes.
Ayon sa mga saksi, nakulong ang bata sa loob ng sasakyan nila na hindi inaasahang magla-lock matapos kalikutin ng bata ang mga control button nito.
Kasalukuyang naka-park ang sasakyan sa tapat ng Shamrock Elementary School na matatagpuan sa P. Gomez Street, Laoag City, nang mag-lock ang mga pintuan at bintana nito dahil sa kakakalikot ng bata bandang alas-11 ng umaga ng Lunes.
Ngunit sadyang suwerte ang bata dahil nasa naturang lugar din sina Patrolman Jayvee Vite at Patrolman Rexor John Rogel, kapuwa nakatalaga sa Logistics/Supply Office ng Ilocos Norte Police Provincial Office.
Nilapitan ng tagapag-alaga ng bata ang dalawang pulis at humingi ng tulong. Ayon sa kanya, iniwan niya ang bata sandali sa loob ng sasakyan na may bukas na aircon, ngunit sa kapilyuhan ng bata, napindot nito ang mga control button ng sasakyan na nagresulta sa pagkaka-lock nito.
Matapos ang halos isang oras na pagkakakulong ng bata sa loob ng sasakyan, maagap na kumilos ang mga pulis.
Humingi sila ng pahintulot mula sa ninong ng bata upang basagin ang bintana ng sasakyan at maingat na mailabas ang bata.
Dahil sa kanilang mabilis at wastong desisyon, naiwasan ang posibleng medikal na emergency at nasigurong ligtas ang bata.
Pinuri ni Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Francisco D. Marbil ang kabayanihan ng dalawang pulis.
“Ang serbisyong ito ay patunay ng dedikasyon at pagiging alerto ng ating kapulisan. Ang aming tungkulin ay hindi lamang tungkol sa pagpapatupad ng batas kundi pati na rin sa pangangalaga at paglilingkod sa ating mga mamamayan sa lahat ng pagkakataon. Saludo ako sa ating mga pulis sa kanilang maagap na aksyon na nagligtas ng isang inosenteng buhay,” sinabi ng heneral.
Ayon sa PNP chief, laging binibigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng isang maagap at may malasakit na kapulisan bilang bahagi ng kanyang pananaw para sa isang mas ligtas na bansa.
Dahil dito, patuloy na nananatiling tapat ang PNP sa tungkuling ito at tinitiyak na bawat mamamayan, lalo na ang pinakamahina at nangangailangan, ay makakatanggap ng nararapat na proteksyon.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ng PNP leadership ang publiko na maging mapagmatyag at maingat, lalo na pagdating sa kaligtasan ng mga bata.
Ang insidenteng ito ay isang paalala na kahit isang saglit ng pagiging abala ay maaaring humantong sa peligro—ngunit sa presensya ng mga tapat at dedikadong alagad ng batas, maraming buhay ang maaaring mailigtas, ayon kay PNP Public Information Office chief Colonel Randulf T. Tuaño.