Bilyar

2 sinundo ni Kamatayan sa bilyaran

Edd Reyes Jun 13, 2024
38 Views

NIRATRAT ng riding-in-tandem ang dalawang magka-tropang kelot sa loob ng isang bilyaran Huwebes ng madaling araw sa Pasay City.

Isinugod pa ng mga nagrespondeng tauhan ng Maricaban Police Sub-Station 7 at ambulansiya ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) ng Pasay City ang mga biktimang sina Jojit Carpe, 49 ng Saint Andrew St. Brgy. 179 at Jerick Belga, 42 ng Saint Augustine St. Brgy. 178 sa Pasay City General Hospital pero patay na nang idating sa pagamutan,

Sa kanyang ulat kay Pasay police chief P/Col. Samuel Pabonita, sinabi ni Sub-Station 7 Commander P/Capt. Glen Mangalindan na nakatanggap sila ng tawag hinggil sa nangyaring pamamaril sa loob ng bilyaran dakong alas-12:45 ng madaling araw na pawang mga naglalaro ng bilyar ang mga biktima.

Duguan ng nakahandusay ang mga biktima nang madatnan ng mga pulis habang mabilis ng nakatakas ang mga suspek na ang isa ay naka-uniporme pa ng isang motorcycle taxi app na Angkas habang puting sweatshirt naman ang suot ng kanyang backrider.

Ayon sa ilang mga saksi, sumibat ang mga suspek patungo sa Saint Peter St. na tatagos sa Malibay hanggang tuluyang makatakas.

Patuloy ang pagsasagawa ng follow-up operation ng pulisya para sa pagkakakilanlan at posibleng pagdakip sa mga salarin habang inaalam pa ang motibo sa nangyaring pamamaslang.