Calendar

200 bahay natupok ng sunog sa Bacoor
BACOOR CITY–Halos 200 bahay ang naabo sa malaking sunog na sumiklab sa isang compound sa Brgy. Talaba 3, Bacoor City noong Sabado.
Sa ulat ng Bacoor City Fire Station, nagsimula ang sunog bandang alas-10:40 ng gabi sa Paraiso compound, Zone 6.
Idineklara ang unang alarma alas-10:51 ng gabi ngunit dahil sa malakas na hangin, kumalat ang apoy kaya itinaas sa ikalawang alarma pagsapit ng alas-11:01 ng gabi.
Umabot ng mahigit tatlong oras bago tuluyang naapula ang apoy na tumupok sa tinatayang 200 kabahayan.
Hindi pa alam ng mga imbestigador mula sa Bureau of Fire Protection (BFP)–Bacoor ang pinagmulan ng apoy at ang kabuuang halaga ng mga ari-ariang nasunog.
Pansamantalang nanunuluyan ngayon ang mga apektadong residente sa Talaba Covered Court at sa Talaba Elementary School.
Nagbigay ng mainit na pagkain at iba pang tulong ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa mga pamilyang nasunugan.