Martin1 Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagbubukas ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair ( BPSF) sa Aguinaldo Shrine, Kawit Cavite, Biyernes ng umaga. Kuha ni VER NOVENO

200 miyembro ng Kamara nagpakita ng suporta sa BPSF sa Cavite

76 Views

DUMALO ang may 200 kongresista sa Bagong Pilipinas Serbisyo (BPSF), isang inisiyatiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na ginanap sa Cavite ngayong Biyernes.

Pinasalamatan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga dumalong miyembro ng Kamara de Representantes sa BPSF-Cavite na idinaos sa Emilio Aguinaldo Elementary School sa Kawit, Cavite. Dala ng BPSF ang P1 bilyong halaga ng ayuda at programa para sa 120,000 Caviteños.

“I am deeply honored to be here with my fellow lawmakers who share our commitment to bringing efficient and fast government services to the people of Cavite and beyond,” ani Speaker Romualdez na binigyang diin ang kahalagahan ng kolaborasyon para maipaabot ang serbisyo ng pamahalaan sa lahat ng Pilipino.

Nagsilbing local host ng BPSF sina Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., Cavite 1st District Rep. Jolo Revilla, 2nd District Rep. Lani Mercado-Revilla at AGIMAT Partylist Rep. Bryan Revilla.

Kasama ring dumalo ang mga kongresista mula sa Cavite na sina Reps. Adrian Jay Advincula (3rd District), Roy Loyola (5th District), Antonio Ferrer, Crispin Diego “Ping” Remulla (7th District), at Anniela Blanca Tolentino (8th District).

Nagpakita rin ng suporta ang mga opisyal ng lalawigan sa pangunguna ni Gov. Jonvic Remulla.

“Ang bilang ng mga dumalo ay patunay na talagang pinahahalagahan ng ating mga mambabatas ang pagkakaroon ng direktang programang maglalapit ng lahat ng serbisyo’t ayuda sa ating mga mamamayan,” sabi ni Speaker Romualdez, lider ng mahigit 300 miyembro ng Kamara.

Tinukoy niya ang masigasig na pagsuporta ng mga mambabatas sa mga inisiyatiba na direktang tutulong sa kanilang mga sinasakupan.

Target ng BPSF na mapuntahan ang lahat ng 82 probinsya ng bansa.

Kabilang sa mga tulong na dala ng BPSF, ayon kay Speaker Romualdez ay ang tulong pinansyal at medikal, scholarship at pangkabuhayan na may positibong epekto sa libong mga Caviteños.

“Together with our lawmakers, we are bringing meaningful change to our communities,” saad pa ni Romualdez.

“With this kind of cooperation and participation, we are ensuring that government services reach even the farthest corners of the country,” aniya.

“Nagpapasalamat ako sa ating mga kasamahan sa Kongreso at sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na nakiisa upang matiyak ang tagumpay ng BPSF. Patuloy nating iaabot ang serbisyo ng gobyerno sa lahat ng sulok ng bansa.”