Calendar
220 Pinoy na bilanggo sa UAE abswelto, binigyan ng pardon
ABSWELTO na ang 220 Pilipinong nakakulong sa United Arab Emirates.
Ito ay matapos bigyan ng pardon ng UAE ang 220 Pilipino kasabay ng pagdiriwang ng ika-53 anibersayo ng nasabing bansa.
Ayon sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO), ang hakbang ay bilang tugon sa kahilingan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Pangulong Sheik Mohamed Bin Zayed Al Nahyan ng UAE.
Nabatid na ang tradisyunal na pagkakaloob ng pagpapatawad ng UAE ay ginaganap tuwing ika-2 ng Disyembre para ipagdiwang ang kanilang Pambansang Araw.
Nabatid na noong Disyembre 26, 2024, binigyan ng pardon ang mga Pilipino bilang tanda ng matibay na pagkakaibigan ng dalawang bansa.
Resulta rin ito ng pulong ni Pangulong Marcos kay His Highness Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan noong Nobyembre ng nakaraang taon.
Ayon pa sa PCO, pinoproseso na ng Department of Foreign Affairs (DFA) at ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi ang mga dokumento at administrative requirements para sa agarang pagpapauwi sa Pilipinas ng mga Pilipinong nabigyan ng pardon na mayroong iba’t ibang uri ng nagawang kasalanan.
Hunyo noong nakaraang taon ay mayroong 143 Pilipinong nakakulong sa UAE na nabigyan din ng pardon dahil sa pagdiriwang ng Eid al-Adha.