Pulis

3 bayaning pulis sa Ilocos Sur pinuri ng liderato ng PNP

Alfred Dalizon May 24, 2025
12 Views

KASUNOD ng direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang makataong pamahalaan at tiyakin na bawat kilos ng gobyerno ay tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan, nagpamalas ng kahanga-hangang bilis ng aksiyon at tunay na malasakit ang tatlong miyembro ng Salcedo Municipal Police Station sa Ilocos Sur noong nakaraang Linggo.

Ito ay matapos na agad na rumesponde sina Police Staff Sergeants Darcy Gironella at Henry Quemado at Patrolman Keng Jin Mayo sa panawagan na tulong ng chairman ng Barangay San Gaspar sa munisipalidad ng Salcedo na madala agad sa ospital ang isang residente na nawalan ng malay.

Hindi nag-atubiling tumulong ang mga pulis, isinakay ang pasyente sa kanilang patrol car at mabilis na isinugod sa pinakamalapit na ospital para sa agarang lunas.

Ang kanilang maagap at taos-pusong tugon ay patunay ng matatag na paninindigan ng PNP sa makataong pagpupulis na inuuna ang buhay at dangal ng bawat isa, ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil.

Ang kanilang ginawa ay sumasalamin hindi lamang sa propesyonalismo kundi lalo na sa kahalagahan ng salitang pakikiramay sa lahat ng paraan sa hanay ng kapulisan.

Pinuri ni Marbil ang nasabing mga pulis sa kanilang mabilisang aksiyon nang walang hinahangad na kapalit.

“Ang ganitong gawa ng malasakit at maagap na tugon ng ating mga pulis ay sumasalamin sa uri ng PNP na ating patuloy na binubuo—isang organisasyong kumikilos agad, naglilingkod nang may puso, at tunay na may malasakit sa kapakanan ng bawat Pilipino,” sinabi ng Hepe ng Pampansang Pulisya.

Sinabi rin niya na muling pinapaalala ng pangyayaring ito na higit pa sa tungkulin ng pagpapatupad ng batas, ang mga pulis ay una ring tumutugon sa oras ng sakuna, katuwang ng komunidad at tagapangalaga ng buhay.