Calendar
Pinangaralan ni Manila Mayor Isko Moreno ang tatlong natimbog na ‘jumper boys.’ Kuha ni JONJON C. REYES
3 huli ng MPD sa pagnenok ng gulong; kay Yorme Isko naulanan ng sermon
DAHIL sa patuloy na pagpapairal ng anti-criminality campaign ng mga tauhan ng Raxabago Police Station 1 ng Manila Police District, nalansag ang tatlong umano’y ‘jumper boys’ sa magkakahiwalay na operasyon sa Capulong Street,Tondo, Manila, nitong Lunes.
Kinilala ni MPD-Director Police Brigadier Arnold Abad ang mga naarestong suspek na sina alyas Chock- Chock, Joren, kapwa kaanib ng Sputnik Gang at isang alyas Kevin, na miyembro umanon ng Commando Gang, na nagsisigaw umano sa kalye habang may bitbit na baril.
Naaktuhan ng mga operatiba ang mga suspek na binabaklas ang gulong ng isang container van sa Mel Lopez Boulevard.
Nakitaan ng baril si Chock Chock habang ang dalawang iba pa ay nakumpiskahan ng patalim.
Ang mga suspek ay natimbog sa isinagawang surveilance ng pulisya sa pamumuno ni Police Lieutenant Ronald Deleon.
Ang tatlong sinasabing ‘jumper boys’ ay inihaharap kay Manila Mayor Isko Moreno.

