Calendar
3 kelot na naka-motor kalaboso sa bitbit na boga, shabu sa gasolinahan
TALAVERA, Nueva Ecija–Kalaboso ang inabot ng tatlong lalaki na sakay ng motor matapos mahuli na may bitbit na baril at shabu sa gasolinahan sa bayang ito noong Sabado.
Ayon kay Nueva Ecija police director Col. Ferdinand D. Germino, nasakote ang tatlong sakay ng Yamaha Mio ng mga pulis sa pangunguna ni Lt. Col. Manny Israel sa bypass road sa Brgy. Sampaloc dakong alas-10:30 ng gabi.
Bukod sa hindi lisensyadong kalibre 38 na baril, nahulihan din ang tatlo ng 1.5 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P10,200.
Mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang nakatakdang isampa laban sa mga suspek.
“Ang agarang pagkadakip sa mga suspek sumasalamin sa kritikal na gampanin ng pagiging mapagmatyag ng ating mamamayan para sa layuning mapanatiling tahimik at ligtas ang Nueva Ecija,” paliwanag ni Germino.