Clark

3 magtatrabaho ng ilegal sa Cambodia naharang ng BI

Jun I Legaspi Sep 18, 2025
244 Views

NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Clark International Airport ang tatlong Pilipino na pinaghihinalaang magtatrabaho sa ibang bansa ng ilegal.

Ayon sa ulat ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI, may edad 30 at 33 ang dalawang babae at lalaking 33-anyos.

Sila ay nakatakdang sumakay ng Scoot Airlines patungong Malaysia at unang nagpahayag na sila ay mga turista sa isang apat na araw na biyahe.

Gayunpaman, napansin ng mga opisyal ang magkakasalungat na pahayag ng grupo kaya isinailalim sa masusing imbestigasyon.

Kalaunan, inamin ng mga pasahero na sila ay magkasamang bumibiyahe upang magtrabaho sa ibayong dagat na alok ng dating kasintahan ng isa sa mga biktima.

Isa sa mga babae ang nagsabing ang tunay nilang destinasyon ay Cambodia, kung saan sila ay pinangakuan ng trabaho bilang mga customer service representative.

Ayon sa kanila, ang recruiter—na ipinakilala ng dating kasintahan—ay nangakong ibibigay ang mga tiket at detalye ng trabaho pagdating nila sa Malaysia.

Sila rin ay pinangakuan ng buwanang sahod na $1,000, ngunit inutusan na magpanggap bilang mga turista upang makaiwas sa awtoridad.

Ang grupo ay itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).