COMELEC

3 presidential bet, 2 VP candidates hindi nagsumite ng SOCE

221 Views

TATLONG kandidato sa pagkapangulo sa katatapos na halalan at dalawa sa pagkabise presidente ang hindi nakapaghain ng kani-kanilang Statements of Contribution and Expenditures (SOCEs).

Ayon sa Commission on Elections (Comelec) sa pagtatapos ng deadline kahapon, ang nakapagsumite lamang ng SOCE ay sina President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at mga tinalo nito na sina Panfilo Lacson, Jose Montemayor Jr., Leni Robredo, Manny Pacquiao, Isko Moreno Domagoso, at Leody de Guzman.

Sampu ang kumandidato sa pagkapangulo at ang mga hindi nakapagsumite ay sina Norberto Gonzales, Faisal Mangondato, at Ernie Abella.

Sa siyam na vice presidential candidates, tanging sina Rizalito David at Manny Lopez ang hindi nakapaghain ng SOCE sa loob ng 30 araw matapos ang halalan.

Sa mga tumakbo sa pagkasenador, 44 sa 64 kumandidato ang nakapaghain ng SOCE.

Kasama sa mga nakapaghain ang mga nanalo na sina Robin Padilla, Loren Legarda, Raffy Tulfo, Sherwin Gatchalian, Francis Escudero, Mark Villar, Alan Peter Cayetano, Juan Miguel Zubiri, Joel Villanueva, JV Ejercito, Risa Hontiveros, at Jinggoy Estrada.

Ang mga nanalo na hindi nakapaghain ng SOCE ay hindi makaka-upo sa kanilang puwesto.

Binibigyan ng anim na buwan mula sa kanilang proklamasyon ang mga nanalo na maghain ng kanilang SOCE. Ang mga hindi nakapaghain sa oras ay pagmumultahin.

Kung dalawang beses ng hindi makakapaghain ng SOCE, ang indibidwal ay hindi na maaaring tumakbong muli.