Calendar
32 BI workers pinuri dedikasyon sa trabaho sa gitna ng bagyong ‘Kristine’
PINURI ng Bureau of Immigration (BI) ang 32 immigration officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa dedikasyon sa gitna ng bagyong Kristine makaraang palawigin ang kanilang mga shift upang matiyak ang pagpapatuloy ng serbisyo sa kabila ng masamang lagay ng panahon.
Naging mahalaga ang papel ng mga tauhan ng BI sa pagpapanatili ng maayos na operasyon sa paliparan sa gitna ng pananalasa ng bagyo.
Agad namang nagpasasalamat si BI Commissioner Joel Anthony Viado.
“Ipinakita ng ating mga opisyal ang kanilang kamangha-manghang dedikasyon sa panahon ng bagyong Kristine, inuuna ang kapakanan ng mga manlalakbay sa kabila ng mga panganib,” sabi ni Viado.
Personal na bumisita si Viado sa NAIA upang mag inspeksyon matapos ang epekto ng bagyo.
Sa kanyang pagbisita, nakipagkita siya sa mga tauhan ng immigration at sinuri ang kalagayan sa paliparan upang matiyak na lahat ng kinakailangang hakbang naisakatuparan para sa patuloy na pagsuporta sa mga pagsisikap sa pagbangon.
Ibinahagi ng BI Chief na maraming opisyal ang hindi nakapasok sa tungkulin matapos maapektuhan ng mga pagbaha dulot ng bagyong Kristine.
Bilang tugon, nag-extend ng kanilang mga shift ang ibang mga opisyal upang matiyak na ang serbisyo nanatiling walang patid.
“Ang kanilang dedikasyon nakatulong upang mabawasan ang abala sa mga pasahero sa panahon ng heightened uncertainty at mga pagkaantala sa biyahe,” saad ni Viado.
Unti-unti nang bumabalik sa normal ang mga flight sa NAIA matapos ang ilang kanselasyon dulot ng bagyo.