4 magkakaanak dedo sa depektibong LPG tank

270 Views

LUMILITAW sa imbestigasyon ng mga awtoridad na posibleng depektibong liquified petroleum gas (LPG) tank ang dahilan ng isang sunog sa Maynila kamakailan na ikinasawi ng apat na magkakaanak, kabilang ang isang buntis at isang menor na edad.

Ayon sa Manila Fire District 1 ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR), nakarinig muna ng isang malakas na pagsabog ang mga residente bago nagsimula ang sunog sa isang bahay sa M. Natividad St. sa kanto ng Mayhaligue, Bgy. 316, Sta. Cruz dakong 9:45 a.m. noong Peb. 20.

Nadamay rin ang katabing bahay kung saan hindi bababa sa lima katao naman ang nasugatan.

Nilalaman din ng pagsisiyasat na tumumba ang pader at bumagsak ang bubong ng bahay sa lakas ng pagsabog at natamaan ang isang dumaraang kotse na suwerte namang nakaligtas ang sakay.

Kaugnay nito, nawagan si BFP-NCR Regional Director C/Supt. Gilbert D. Dolot sa mga konsyumer at pati na sa mga nagmamay-ari ng mga karinderya at restoran na bumili lamang ng mga tangke ng kalan mula sa mga awtorisadong LPG dealer upang maiwasan ang katulad ng nangyaring malamig na aksidente.

Pinirmahan noong nakaraang taon ni Pangulong Rodrigo Duterte at ganap nang batas ang Republic Act 11592 o ang “LPG Industry Regulation Act” na ani Dolot ay nagpalakas sa kapangyarihan ng pulis at iba pang kinauukulang ahensiya upang masawata ang mga ilegal na nagbebenta ng LPG upang mapagsamantalahan ang mga mamimili kapalit ng kanilang kaligtasan.

Si LPGMA Party-list Rep. Allan Ty ang siyang pangunahing nagsulong ng panukala sa Kamara upang maprotektahan ang mga Pilipino, lalo’t LPG ang ginagamit sa pagluluto sa araw-araw ng apat mula sa 10 tahanan sa bansa.