Calendar
4 na parangal nakamit ng Maynila mula sa DILG-NCR


APAT na parangal ang nakamit ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) bunga ng kahusayan sa pangangalaga sa kagalingang panlipunan, proteksiyon sa mga bata, kaligtasan ng kababaihan, at pagtalima sa universal health care program.
Iginawad ng DILG-National Capital Region sa Manila Department of Social Welfare (MDSW) na pinamumunuan ni Director Jay Dela Fuente ang pagkilala sa wastong pagganap ng Local Council for Protection of Children (LCPC) para sa taong 2024 at nanguna sa pagtasa ng Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Their Children Act para sa taong 2025 Urban Governance Exemplar Awards.
Pinuri rin ni DILG-NCR Regional Director Maria Lourdes Agustin ang lungsod sa pagpapanatili sa mataas na antas ng pamamahala ar pagtugon sa implementasyon sa programa ng pagkakaloob ng proteksiyon sa lipunan.
Dalawang pangunahing pagkilala naman ang nakuha ng Manila Health Department (MHD) sa ilalim ng pamununo ni Dr. Grace Padila bilang OIC mula sa PhilHealth, kabilang ang UHC Champion in Governance dahil sa pakikipagtulungan sa PhilHealth NCR North at ang pagsuporta sa paglulunsad ng National Health Insurance Program sa ilalim ng Universal Health Care (UHC) law
Tinanggap din ng MHD ang PhilHealth YAKAP Award dahil sa mataas na bilang ng naka-enroll sa Yakap ng Kalusugan sa Pamahalaan na nagsimula lang nitong Setyembre 2025.
Malugod namang pinapurihan ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang MDSW at MHD dahil sumasalamin aniya ito sa mas malawak na hangarin ng mahusay, may malasakit,pagpapahalaga, at pananagutan sa pamamahala.
“Ang mga pagkilalang ito ay bunga ng malasakit ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod para sa ating mga kapwa Batang Maynila. Hangad nating mapanatili ang isang lungsod na may puso, maayos na pamamahala, at malasakit sa serbisyo,” pahayag ni Mayor Isko.

