DHSUD

44 pamilya na dating IS sa Marikina landowners na

Jun I Legaspi Jul 17, 2026
119 Views

DHSUD1APATNAPU’T-apat na pamilyang dating informal settlers sa Brgy. Malanday, Marikina City ang landowners na matapos igawad sa kanila ang Transfer Certificate of Title (TCT) sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Miyerkules.

Pinangunahan nina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling at Social Housing Finance Corporation (SHFC) President at CEO Federico Laxa ang awarding ceremony sa mga kasapi ng Samahang Magkakapitbisig ng Purok III Homeowners Association, Inc. Phase II-A.

Bukod sa dokumento, ang mga titulo ay simbolo ng mas matibay na seguridad sa paninirahan at pundasyon ng mas matatag na komunidad.

Sakop ng proyekto ang on-site housing community sa Secondary Road, Purok III, Malanday na ipinatupad sa pakikipagtulungan ng Marikina sa pamamagitan ng community loan mula DHSUD at SHFC.

Nakinabang ang 124 miyembro ng homeowners association.

Ayon kay Christina Bautista, pangulo ng homeowners association,

“Nakakaba, diba? Anytime pwede kang paalisin, wala kang katiyakan.

Ito talaga yung katiyakan na sa amin na talaga at pwede mong ipamana sa mga anak mo… Masayang-masaya ako, hawak na namin yung aming titulo.”

Dagdag pa ni Christian Jason Antonio,

“Ngayon, sobrang saya… Fulfilled yung matagal nang pinapangarap.

Masasabi mo nang iyo talaga yung tinitirhan mong bahay. Maraming salamat sa ating Pangulong Bongbong Marcos at sa mga ahensyang tumulong.”

Binigyang-diin ni Secretary Aliling na ang awarding ay patunay ng patuloy na pagtupad ng pamahalaan sa pangakong pabahay.

“Bawat Transfer Certificate of Title na ating igagawad ay konkretong hakbang tungo sa mas matibay na seguridad sa paninirahan ng mga pamilyang Pilipino. Higit pa sa dokumento, ito ay pagkilala sa kanilang karapatan bilang landowner.

Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., patuloy nating pinalalawak ang Expanded 4PH Program upang matulungan ang mas maraming pamilyang Pilipino na magkaroon ng mas matatag na kinabukasan,” sabi ni Aliling.