Calendar
4,798 magsasaka apektado,3K libong ektarya ng agri lupain nasira ni ‘Kristine’
MAHIGIT sa P143 milyong halaga ng produktong agrikultura at kagamitan ang nasira ng bagyong Kristine na sumalanta sa Cordillera Administrative Region (CAR) MIMAROPA, Bicol Region at Western Visayas, Eastern Visayas at SOCCSKSARGEN.
Sa inilabas na Bulletin No. 6 on Severe Tropical Storm “KRISTINE” ng Department of Agriculture (DA), ang kabuuang halaga ng napinsala sa bagyo ay umabot sa P143.47 milyon na kung saan 4,798 na magsasaka ang apektado samantalang 3,358 ektarya ng pang-agrikulturang lupain ang nasira.
Ayon sa DA, karamihan sa mga nasirang tanim ay ang palay, mais, high value crop at livestock na kung saan umabot sa 8,600 metriko tonelada (MT) ang volume ng production loss.
Tinatayang nasa 8,265 MT ng palay ang nasira; 102 MT naman sa mais; 46 MT sa kamoteng kahoy samantalang 187 MT sa high value crop.
Subalit patuloy pa ring bineberipika ng DA Disaster Reduction and Risk Management (DA-DRRM) Operation Center ang naturang pinsala.
Samantala, tinulungan naman agad ng mga DA regional field offices ang mga lugar na naapektuhan ng bagyo sa pamamagitan ng patuloy na pagmonitor sa aktwal na sitwasyon para sa mga natamong pinsala sa mga sektor ng pagsasaka at pangingisda; at pag-iimbak ng mga binhi ng palay, mais at high value crop, gamot at biologic para sa mga paghahayupan at pagmamanukan sa mga ligtas na storage facility.
Nagsasagawa rin ang ahensya ng patuloy na pagmonitor sa posibleng paggalaw ng presyo ng mga produktong agrikultura at pagmonitor ng paggalaw ng mga trak ng KADIWA para sa movement at logistical assistance para sa mga produkto.
Kabilang pa sa mga available na intervention para sa mga apektadong magsasaka ay ang paglalaan ng PhP 531.72 milyong halaga ng agricultural input katulad ng palay, mais at binhi ng mga gulay, gamot at biologics para sa livestock na manggagaling mula sa DA Regional Field Offices ng CAR, III, IV-A, IV-B, V, VIII at XII; pamamahagi ng mga sako ng bigas mula sa National Food Authority (NFA) para sa bilang relief; pagpapadala ng mga KADIWA store sa mga apektadong lugar at paglalaan ng P1-bilyon na Quick Response Fund (QRF) para sa rehabilitasyon at pagbangon ng mga apektadong lugar.
Mayroon ding nakahandang halagang PhP 25,000 na maaaring utangin mula sa Survival and Recovery (SURE) Loan Program of the Agricultural Credit Policy Council (ACPC), na pwedeng bayaran sa loob ng tatlong taon na walang interes. Babayaran din danyos ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang mga apektadong magsasaka na na may insurance.