QCPDPS10

5 huli sa pandurukot

209 Views

Arestado ang limang lalaki na nagsabwatan umano sa pagdukot ng cellphone ng mga pasahero ng bus sa Quezon City.

Kinilala ni PLTCOL Robert Amoranto, hepe ng QCPD-Police Station 10 ang mga suspek na sina Emilio Delfin III, 40-taong gulang, at residente ng Brgy. 527, Sampaloc, Manila; Jhon Mark Gavina Jr., 33, taga-Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon City; Renante Pambuena, 40, residente ng Brgy. Batasan Hills, Quezon City; Jomari Nadayao, 24, ng Bagong Silang, Caloocan City; at Aries Labuca, 40, ng Brgy. Ramon Magsaysay, Bago Bantay, Quezon City.

Sumakay umano ng bus ang mga suspek at nagpanggap na mga pasahero.

Nagsabwatan umano ang mga ito upang madukot ang cellphone ng mga biktimang sina Nadine Santelices at Bryan Bataan.

Naramdaman umano ito ni Santelices at kinumpronta ang mga suspek hanggang sa bumaba ang mga ito sa taoat ng GMA MRT station. Sumakay umano ang mga suspek sa isang bus na patungong East Avenue.

Nakahingi naman ng tulong ang mga biktima sa mga nagpapatrolyang pulis.

Habang bumibiyahe ay nakita umano ng mga biktima ang mga suspek sa tapat ng PLDT sa East Avenue.

Narekober umano sa mga naarestong suspek ang cellphone ng mga biktima.

Nahaharap sa kasong theft ang mga suspek.