Baboy

500 baboy na may ASF naharang, pagdistribute sa probinsiya napigilan

Cory Martinez Sep 28, 2024
82 Views

HALOS 500 na baboy na affected ng African Swine Fever (ASF) ang nasabat ng Bureau of Animal Industry (BAI) at Philippine National Police (PNP) simula nang itayo ang mga checkpoints sa Metro Manila noong Agosto.

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary for Swine and Poultry Dr. Constante Palabrica, kung hindi naharang sa mga checkpoint, maaaring nakarating sa Ilocos, Pangasinan, Tarlac, Bulacan at Cagayan ang mga baboy at nakapagpalala sa ASF crisis.

Binigyang-diin ni Palabrica ang kahalagahan ng mga checkpoint na nag-ooperate buong araw para mapigilan ang pagkalat ng ASF sa buong bansa.

Nakakumpiska din ang mga awtoridad ng mga karne kung saan ang mga nagdadala ng mga ito nagpakita ng mga pekeng Certificate of Meat Inspection (COMI) at peke rin ang manufacturing date.

Sa huling ulat ng BAI, nakumpiska uli sila ng may 70 na baboy noong Huwebes sa isang checkpoint sa Mindanao Avenue, Quezon City. Ang mga naharang na baboy may clinical signs ng ASF kaya kinumpiska.

Sa isinagawang pagsusuri, nagpositibo ang mga nakumpiskang baboy sa ASF kaya agad na kinatay at binaon.

“This operation is crucial in stopping the ‘ping pong’ movement of the ASF virus between the northern and southern regions of the country. We urge legitimate traders to ensure that all their transport documents are valid and compliant with regulations.

Let us work together to protect the animal industry and safeguard the livelihood of Filipino farmers,” dagdag ni Palabrica.

Bukod sa baboy, sinusuri din ng BAI ang mga manok na dumadaan sa checkpoint upang mapigilan naman ang pagkalat ng Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) o bird flu.